CAMP OLIVAS, Pampanga — Bilang bahagi ng mas pinaigting na pagpapatupad ng Comelec (Commission on Elections) gun ban para sa nalalapit na halalan, matagumpay na nakumpiska ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang kabuuang 360 na baril at pampasabog at naaresto ang 356 indibidwal mula Enero 12 hanggang Mayo 4, 2025.
Kabilang sa mga naaresto ang 4 na miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), 7 security guards, 1 pulis, isang halal na opisyal ng pamahalaan, at mga sibilyan.
Ayon kay Brig. Gen. Jean S. Fajardo, Regional Director ng PRO3, “Ang operasyon na ito ay patunay ng seryosong hakbang ng kapulisan ng Gitnang Luzon upang sugpuin ang anumang banta sa seguridad kasabay ng halalan. Hindi kami magdadalawang-isip na arestuhin ang sinumang lalabag sa batas, anuman ang kanilang katayuan sa lipunan.”

Bilang bahagi ng mas pinalakas na kampanya laban sa loose firearms, 1,300 na indibidwal ang nagboluntaryong nagdeposito ng kanilang mga armas at 273 naman ang nagsuko ng kanilang hindi lisensyadong baril.
Dagdag pa ni Fajardo, “Ang kampanyang ito ay hindi lamang para sa gun ban kundi para sa pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon. Ang kooperasyon ng bawat mamamayan ay susi sa pagpapababa ng bilang ng loose firearms na nagiging sanhi ng karahasan.”
Tiniyak ng PRO3 na ipagpapatuloy ang mahigpit na checkpoint at mga intelligence-driven law enforcement operations hanggang matapos ang election period, upang matiyak ang isang mapayapa, ligtas, at tapat na halalan sa buong rehiyon. (UnliNews Online)