CAMP OLIVAS, Pampanga — Mahigit 12,000 pulis mula sa Police Regional Office 3 (PRO3) ang kasalukuyang nakadeploy na sa iba’t ibang polling precincts sa Central Luzon simula pa noong Linggo, Mayo 4, bilang bahagi ng pinaigting na seguridad at kahandaan para sa nalalapit na halalan sa Mayo 12, 2025.
Kabilang sa mga ipinakalat ay hindi lamang ang mga tauhang mula sa iba’t ibang police stations, kundi maging ang mga personnel mula sa regional at provincial headquarters, upang tiyakin ang maayos, mapayapa, at ligtas na pagdaraos ng eleksyon sa buong rehiyon.

Ayon kay Police Brigadier General Jean S. Fajardo, Regional Director ng PRO3, “Ang malawakang deployment ng ating mga kapulisan ay bahagi ng ating mandato na tiyakin ang isang ligtas, malaya, at mapanagutang eleksyon. Nakatutok tayo hindi lamang sa seguridad ng mga presinto, kundi pati na rin sa pagbibigay proteksyon sa karapatan ng bawat botante.”
Dagdag pa ni Fajardo, “Naka-full alert status na ang buong rehiyon. Mahigpit ang koordinasyon ng PRO3 sa COMELEC, AFP, at iba pang ahensya upang matiyak ang mabilis at maayos na pagtugon sa anumang insidente na maaaring makasagabal sa proseso ng halalan.”
Hinikayat din ng PRO3 ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at agad na ireport ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa panahon ng eleksyon. (UnliNews Online)