CAMP OLIVAS, Pampanga — Idineklara ng Police Regional Office 3 (PRO3) na ang katatapos lamang na 2025 National at Local Elections sa Gitnang Luzon ay naging pangkalahatang mapayapa at walang naitalang malaking insidente sa buong panahon ng halalan.
Pagsapit ng alas-7 ng gabi, matapos ang pormal na pagsasara ng mga voting centers, nananatiling nakaalerto at nakaposisyon ang mga pulis sa buong rehiyon upang tiyaking ligtas at maayos ang transmission ng election returns mula sa mga vote counting machines (VCMs) patungo sa mga canvassing centers. Mahigpit ang koordinasyon ng PNP sa Commission on Elections (COMELEC), Armed Forces of the Philippines (AFP), at iba pang law enforcement agencies upang mapanatili ang seguridad at integridad ng automated election process.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Police Brigadier General Jean S. Fajardo, Regional Director ng PRO3, “Sa kabila ng ilang aberya sa ilang mga presinto, naging maayos at mapayapa sa kabuuan ang botohan. Wala tayong naitalang malalaking insidente na nakaapekto sa kaayusan ng halalan dito sa Gitnang Luzon.”
Lubos ding nagpasalamat si Fajardo sa lahat ng mga pulis na nakadeploy sa buong rehiyon, gayundin sa mga katuwang na law enforcement agencies na naging bahagi ng matagumpay na pagpapatupad ng seguridad sa halalan.
“Ang tagumpay ng isang mapayapang halalan ay hindi lamang tagumpay ng PNP kundi ng buong sambayanan. Maraming salamat sa inyong dedikasyon, sakripisyo, at serbisyo para sa bayan,” dagdag pa niya.
Ang PRO3 ay patuloy na magbabantay hanggang sa pormal na matapos ang canvassing at pagdedeklara ng mga nanalong kandidato upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa buong Gitnang Luzon. (UnliNews Online)