Sunday, June 1, 2025
Amana Water Park
HomeRegional NewsCentral Luzon UnliNewsHigit sa P1.6M shabu nakumpiska sa Bataan at Nueva Ecija, 8 arestado

Higit sa P1.6M shabu nakumpiska sa Bataan at Nueva Ecija, 8 arestado

CAMP OLIVAS, Pampanga — Sa patuloy na pagpapatupad ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. tungo sa isang Bagong Pilipinas na mas ligtas at maayos, walong katao ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon sa Bataan at Nueva Ecija noong Linggo (Mayo 18) at Lunes (Mayo 19).

Base sa naging ulat kay kay Brig. Gen. Jean S. Fajardo, Regional Director ng Police Regional Office 3, umabot sa mahigit P1.6 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam mula sa mga suspek.

Anim na suspek ang naaresto sa ikinasang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bataan katuwang ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Balanga City Police Station sa Brgy. Cataning noong Mayo 18 dakong 3:50 ng hapon. Nasamsam mula sa kanila ang limang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng tinatayang 110 gramo na may halagang P748,000.00. Kinilala ang mga suspek sa mga alyas na “Ariel,” “May,” “Aira,” “Aerol,” “Ron,” at “Allan.”

Sa Cabanatuan City, Nueva Ecija, isang buy-bust operation rin ang ikinasa ng Cabanatuan City Police Station kung saan naaresto ang isang “Orly,” 43 anyos, sa Brgy. Padre Crisostomo. Nakumpiska mula sa kanya ang 70.20 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P477,360.00.

Samantala, noong Mayo 19 dakong 7:40 ng umaga, sa Brgy. Gugo, Samal, Bataan, ay naaresto naman si alyas “Harry,” isang high-value individual, sa isinagawang operasyon ng Samal Municipal Police Station, PIU-Bataan, 1st PMFC, at PPDEU. Nasamsam mula sa kanya ang 56 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P380,800.00, isang .38 caliber revolver na may apat na bala, at Php 1,000 marked money.

Ayon kay Fajardo, “Ang tagumpay ng mga operasyong ito ay bunga ng walang sawang pagtutulungan ng ating mga law enforcement agencies. Patuloy nating isusulong ang kampanya kontra ilegal na droga alinsunod sa direktiba ng ating Chief PNP, PGEN Rommel Francisco D. Marbil para sa mas ligtas, mas malinis, at mas maayos na lipunan para sa bawat Pilipino. Buo ang ating paninindigan na gawing drug-free ang buong Gitnang Luzon sa pamamagitan ng agresibo at epekitbong mga operasyon laban sa mga sindikato ng droga.”

Ang mga naarestong indibidwal ay nasa kustodiya na ng mga awtoridad at sasailalim sa masusing imbestigasyon. Nakahanda na rin ang mga kasong isasampa laban sa kanila kaugnay ng kanilang pagkakasangkot sa ilegal na droga at iba pang mga paglabag na may kaugnayan sa isinagawang operasyon. (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News