CAMP OLIVAS, Pampanga — Ginawaran noong Biyernes (May 23) ng Police Regional Office 3 (PRO3) ng isang makabuluhang “Heroes’ Welcome” ceremony at “Medalya ng Kadakilaan” ang 197 na pulis mula sa iba’t ibang lalawigan ng Gitnang Luzon matapos ang kanilang deployment sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para 2025 Pambansa at Lokal na Halalan.
Ayon kay PRO3 Regional Director Police Brigadier General Jean S. Fajardo, bilang pagkilala sa kanilang ipinamalas na katapangan, kahusayan, at integridad sa pagtupad ng tungkulin sa isang lugar na may mataas na banta sa seguridad, iginawad sa mga ito ang medalyang na simbolo ng sakripisyo at kagitingang ipinakita ng mga pulis sa pagtupad ng kanilang tungkulin sa gitna ng hamon ng seguridad.

“Ang pagbibigay ng Medalya ng Kadakilaan ay pagkilalang karapat-dapat lamang sa inyong ipinakitang katapangan, malasakit, at dedikasyon para sa kapayapaan at kaayusan ng ating bansa. Patunay ito na ang pulis ng Gitnang Luzon ay maaasahan, matapang, at tapat sa kanyang sinumpaang tungkulin,” pahayag ni Fajardo.
Ang mga pinarangalang pulis ay nagmula sa Regional Mobile Force Battalion 3, mga Provincial at City Mobile Forces, at iba pang yunit ng PRO3. Sila ay naatasang magpatupad ng seguridad sa mga voting centers, magsagawa ng checkpoints, at tiyakin ang maayos at ligtas na daloy ng halalan sa mga tinukoy na critical areas sa BARMM.
Bilang bahagi ng selebrasyon, isinagawa rin ang isang boodle fight bilang pagpapahayag ng pasasalamat, camaraderie, at pagkilala sa serbisyo ng mga nagbalik na pulis.
Ang Heroes’ Welcome ay isang paalala ng mahalagang papel na ginagampanan ng ating mga pulis bilang tahimik na bayani sa likod ng matagumpay at mapayapang halalan—mga tagapagtanggol ng demokrasya at tunay na lingkod ng bayan. (UnliNews Online)