CAMP OLIVAS, Pampanga — Bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang laban kontra kriminalidad at tiyakin ang kaligtasan ng bawat Pilipino, buong tapang at dedikasyon na isinulong ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang kanilang pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga sa Gitnang Luzon.
Sa loob ng limang buwan—mula Enero 10 hanggang Hunyo 8, 2025—matagumpay na naisakatuparan ng PRO3, sa pamumuno ni Police Brigadier General Jean S. Fajardo, ang kabuuang 2,706 anti-drug operations na nagresulta sa pagkakaaresto ng 4,084 na mga indibidwal na sangkot sa ilegal na droga. Isang napakalaking dagok ito sa drug trade sa rehiyon.

Ang mga operasyong ito ay nagbunga rin ng pagkakasamsam ng 19,032.93 gramo ng shabu, 15,409.96 gramo ng marijuana, at 151.59 gramo ng kush at tinatayang umaabot sa mahigit P131.4 milyon ang halaga.
Ngunit ang tunay na tagumpay ay masusukat sa likod ng mga datos—sa araw-araw na sakripisyo ng mga tauhan ng PRO3 na patuloy na nagsisikap upang mailigtas ang komunidad mula sa panganib na dulot ng ipinagbabawal na gamot.
Pinuri ni PBGen Fajardo ang determinasyon at dedikasyon ng kanyang mga tauhan, at binigyang-diin ang kahalagahan ng tuloy-tuloy at maayos na operasyon.
Aniya, “Malaki ang naging bunga ng ating pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga, at mananatili tayong nakatuon sa layuning magkaroon ng ligtas na komunidad na malayo sa mapanirang epekto ng ipinagbabawal na gamot.”
Kasabay ng pagpapatupad ng batas, nananatiling matibay ang paninindigan ng PRO3 sa paggamit ng makatao at balanseng pamamaraan sa pagsugpo sa ilegal na droga. Patuloy ang pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan, at pagsasangkot ng mamamayan, upang isulong ang kulturang nagtutulungan at nagmamalasakit sa isa’t isa. (UnliNews Online)