CAMP OLIVAS, Pampanga — Agad na tumugon ang mga tauhan ng Police Regional Office 3 (PRO3) at naaresto ang isang 19-anyos na binatilyo na suspek sa pagnanakaw ng motorsiklo sa Mariveles, Bataan.
Ayon sa ulat, bandang alas-8:40 ng gabi noong Linggo (June 15), napansin ng biktima mula sa Barangay Cabcaben, Mariveles na nawawala ang kanyang 2012 Motorstar Sapphire 125 na nakaparada sa harap ng kanilang tahanan. Matapos ang sariling paghahanap ay agad siyang humingi ng tulong sa Mariveles Municipal Police Station.
Hindi nag-aksaya ng oras ang mga operatiba ng Mariveles MPS. Sa pamamagitan ng mabilis na follow-up operation, determinadong imbestigasyon, at tulong mula sa komunidad, matagumpay nilang natunton at inaresto ang suspek sa Sitio Langkaan, MAAP Road, Mariveles. Narekober rin sa kanya ang ninakaw na motorsiklo.
Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10883 o ang “New Anti-Carnapping Act of 2016.”
Pinuri ni P/Brig. Gen. Jean S. Fajardo, Regional Director ng PRO3, ang mabilis at epektibong pagtugon ng Mariveles MPS na agad nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek at pagbawi ng ninakaw na ari-arian.
“Muli nating pinapatunayan na sa tulong ng mamamayan, ang pulisya ay kayang agad umaksyon at tumugon sa anumang banta ng kriminalidad,” ani Fajardo.
“Pinaigting natin ang presensya ng kapulisan, pero mahalaga rin ang pakikiisa ng komunidad upang tuluyang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa ating mga pamayanan,” dagdag pa nito.
Hinimok din ng PRO3 ang publiko na agad magsumbong sa mga awtoridad sa oras na may mapansing kahina-hinalang aktibidad o maging biktima ng krimen. (UnliNews Online)