CLARK, Pampanga — Isinalang na sa inquest proceedings noong Miyerkules (Aug. 6) si San Simon, Pampanga Mayor Abundio “JP” Punsalan Jr., kabilang ang limang bodyguard at doktor matapos arestuhin sa isang high-stakes entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI).
Kinumpirma ni NBI Director Jaime Santiago na nadakip ang mga suspek dahil sa umano’y tangkang pangingikil ng tumataginting na P100 milyon mula sa Real Steel Corporation, isang steel bar manufacturing firm na nakabase sa San Simon.
Ang operasyon, sa pangunguna ng Intelligence Division ng NBI, ay nagwakas noong Agosto 5 sa loob ng Café Mesa sa Clark Freeport Zone, kung saan nahuli si Punsalan na tumatanggap ng P30 milyon na marked cash—bahagi ng dapat bayaran.
Ang reklamo ay inihain nina Real Steel Corp. president Irwin Chua at corporate secretary Mel Arellano. Hiningi umano ng alkalde ang pera sa kabila ng walang nakabinbing environmental o tax-related violations ang kanilang kumpanya.
Base sa reklamo, humingi umano ang alkalde ng P80-milyong suhol subalit P30 milyon lamang ang paunang bayad at ang nalalabing P50 milyon ay babayaran nang hulugan.
Samantala, nahaharap si Mayor Punsalan at si Dimla sa kasong paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at iba pang kaugnay na penal law.
Dinakip rin ng NBI-IS ang mga security personnel ng alkalde matapos mahulihan ng ilang baril at live ammunition na isasailalim sa verification. (UnliNews Online)