Wednesday, December 17, 2025
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNews13 ‘ghost’ flood control projects, nadiskubre sa Lungsod ng Malolos

13 ‘ghost’ flood control projects, nadiskubre sa Lungsod ng Malolos

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Umabot sa labing-tatlong (13) “ghost flood control projects” o ’yung mga proyektong hindi matagpuan ang nadiskubre ng binuong Malolos City People’s Audit Team (MCPAT) ang nakatala sa isinumiteng Flood Control Projects Inspection Report sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) noong Biyernes (Oct. 10).

Sa ginanap na pulong-pambalitaan sa tanggapan ni Mayor Atty. Christian D. Natividad, sa ikalawang palapag ng Bagong Pampamahalaang Bulwagan ng lungsod, iprinisinta ng alkalde sa mga mamamahayag ang naging resulta ng imbestigasyon ng MCPAT tungkol sa mga flood control projects.

Layunin ng isinagawang imbestigasyon na matukoy ang mga maanomalyang flood control project na ibinaba ng national government sa DPWH Bulacan 1st District Engineering Office sa naturang lungsod.

Ayon sa alkalde, matapos ang ilang linggo nang walang tigil na pagsisiyasat at pagpunta sa mga lokasyon kung saan nakatala ang mga datos ng isinagawang mga flood control projects sa lungsod, nabatid na sa 106 sa dapat inimplementang proyekto sa 30 out 51 na barangay sa Malolos — 27 na proyekto ang naisagawa, 27 naman ang kasalukuyang ginagawa, habang 13 ang hindi matagpuan at itinalang “ghost projects”, habang nasa 8 ang sub-standard o mayroong iregularidad, at 6 naman ang walang datos o hindi beripikado.

Dagdag pa ng alkalde, umabot diumano sa kabuuang halagang higit sa 7 bilyong piso na mga kuwestiyonableng mga proyekto hinggil sa malawakang pagbaha ang inilunsad ng naturang kagawaran sa Malolos.

Labis na ikinadismaya ni Mayor Natividad ang malaking pondo ng gobyerno na ibinuhos sa mga “proyektong multo” at substandard projects na kinamkam lang ng nga tiwaling opisyal ng pamahalaan. Nauwi lang sa wala at nasayang lamang ang daan-daang milyong salapi para sa mga kuwestiyonableng pagawaing bayan na ibinaba sa nasabing siyudad na dapat sana ay napakinabangan sa mabuting paraan.

“Kung tinotoo lang ang paggawa ng mga flood control project, hindi na sana tayo binabaha. Ang mga Malolenyo rin ay naghahangad ng katarungan upang mapanagot ang mga opisyal ng DPWH maging ang mga halal ng bayan na nakisawsaw sa mga maanomalyang proyekto para sa flood control. Hindi dapat na isantabi na lamang ang mga natuklasang iregularidad lalo na ang kasuklam-suklam na ghost projects,” ani alkalde.

Sa tulong ng halos isang libong tao na miyembro ng Malolos City People’s Audit Team na binubuo ng kapulisan, karaniwang tao, mga propesyonal, at mga taong nais makatulong mag-imbestiga, natukoy na ang ilan sa mga proyekto ay mayroong coordinates na naka-address sa ibang lugar gaya na lamang ng Batangas at Pangasinan.

Umaasa ang mga Maloleño sa pangunguna ni Mayor Natividad na magiging basehan ng ICI ang Flood Control Projects Inspection Report ng MCPAT sa isinasagawang imbestigasyon ng nasabing komisyon sa mga pagawaing bayan sa buong bansa at maging padron o basehan na rin ito ng mga LGU sa Pilipinas.

Pinuri rin ng ICI ang City Government of Malolos dahil ito ang kauna-unahang Local Government Unit (LGU) sa buong bansa na nagsagawa ng audit report hinggil sa mga maanomalyang mga control projects ng DPWH.

Opisyal na isinumite nina City Administrator Joel S. Eugenio at City Legal Officer Atty. Darwin D. Clemente ang inisyal na dokumento na naglalaman ng mga naitalang datos ng MCPAT kaugnay ng mga pagawaing inilunsad sa Malolos sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na pangunahing nagsisiyasat ng mga proyekto tungkol sa flood control at iba pang pagawain sa buong Pilipinas.

Pagtatapos ng alkalde, “kahit nakapagsumite na sila ng report sa ICI ay tuloy-tuloy pa rin aniya ang kanilang gagawing imbestigasyon upang makatulong sa isinasagawang pag-iimbestiga ng pamahalaang nasyonal sa mga maanomalyang proyekto na tumutukoy sa flood control projects.” (May dagdag na ulat sina Verna Santos at Allan Casipit)

(Mga larawan nina Manny D. Balbin, Verna Santos, Allan Casipit at Malolos City Information Office)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News