ITINULAK ng Senate Minority bloc sa pamumuno ni Senador Alan Peter Cayetano na kailangang malinaw at bukas sa publiko ang lahat ng amendment o pagbabago sa panukalang 2026 national matapos lumabas ang malalaking realignment nang walang kalinawan.
Sa period of amendments para sa House Bill No. 4058 o General Appropriations Bill (GAB) para sa F.Y. 2026 nitong December 2, kinuwestiyon ni Cayetano ang paglitaw ng malalaking pagbabago sa committee report na walang nakalagay na may-akda.
“Either we believe in transparency or not. So if we’re going to ask members now to propose their individual [amendments], maliliit iyon… Hindi ba dapat malaman natin kung sino ang nag-propose ng mga ito at ang proseso ng pag-a-approve nito?” wika niya.
Paliwanag ni Senator Sherwin “Win” Gatchalian na siyang sponsor ng budget, ang committee report ay naglalaman ng mga pagbabago ng komite sa bersyon ng House, at ang mga susunod na amendment ay papasok na bilang individual amendments ng mga senador.
Giit ni Cayetano, kailangan ng kalinawan kung sino ang nag-introduce ng major adjustments na nakasaad sa committee report, lalo na’t hindi lumabas ang mga naturang pagbabago sa labing-isang araw na interpellation ng Senado.
“If you’re saying now na ito na rin y’ung amendments from the House, I want to point out that parang nabale-wala y’ung interpellation. Having said that, kung ito na y’ung sa House, in the spirit of transparency, I’d like to know who moved [for them],” wika niya.
Sa isang media interview ng parehong araw, sinabi ni Cayetano na nais niyang bigyang linaw ang malaking halaga na nakalagay sa unprogrammed funds kahit aniya dati nang napag-usapan na dapat bawasan o alisin ito dahil hindi tiyak ang revenue.
“Since 2023 budget, ang problema natin ay y’ung unprogrammed funds. Pero dito sa version natin meron pa rin. Bakit hindi na lang tanggalin yun?” wika niya.
Sinabi niya na dapat munang linawin ang isyu na ito upang magkaroon ng tiwala ang publiko sa repormang nais gawin ng naturang pondo.
“Given not only the stigma, the flood control, and also itong unprogrammed funds, kailangan himayin because this is another animal. Until we figure this out may magiging lamat pa rin itong budget na ito,” wika niya.
Binigyang diin ni Cayetano na nakatuon ang buong Minority Bloc sa pagsuporta sa pagsiguro sa accountability ng 2026 budget.
“We want to go all the way with the reforms…Anything that’s reformative, anything na dapat ipagbawal, anything that can lead to resolve the present problems ng ating bansa, gusto ng Minority iyon,” wika niya.

