CAMP OLIVAS, Pampanga — Isa na namang malaking tagumpay sa kampanya kontra ilegal na droga ang naitala ng Police Regional Office 3 (PRO3) matapos maaresto ang isang newly identified High Value Individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation sa Balanga City, Bataan nu’ng Biyernes ng madaling araw ( Dec. 12).
Inaresto ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Balanga City Police Station si “Jonnel” sa Brgy. Tuyo at nakumpiska mula sa kanya ang tinatayang 165 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1,122,000, kasama ang drug paraphernalia at marked money..
Pinuri ni PRO3 Regional Director PBGEN Ponce Rogelio I. Peñones Jr. ang mga operatiba at binigyang-diin na ang tagumpay na ito ay nakahanay sa direktiba ni Acting Chief PNP, PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr.
“Ang operasyong ito ay malinaw na pagpapatupad ng PNP Focused Agenda on Enhanced Managing Police Operations at pagpapatibay ng ating 3Ps — Protect the People, Pursue Peace and Order, and Promote Professionalism,” ani RD Peñones Jr.
“Mananatili kaming matatag sa pagsugpo sa ilegal na droga sa pamamagitan ng intelligence-driven at well-coordinated police operations,” dagdag pa niya. (UnliNews Online)

