BULAKAN, Bulacan — Hindi lamang mga batang nangangaroling ang karaniwang kumakatok sa mga tahanan dito sa nabanggit na bayan tuwing Kapaskuhan, sa halip, muling binubuhay ng mga kabataan ang tradisyong panunuluyan bilang paalala ng tunay na diwa ng Pasko.
Nakabihis bilang si San Jose at Mahal na Birheng Maria, ang mga kabataan ay umiikot sa komunidad at isinasadula ang paghahanap nila ng matutuluyan upang ipanganak ang sanggol na si Hesus. Sa bawat pagkatok, hatid nila ang mensahe ng pananampalataya, pag-asa, at pagpapakumbaba.
Ang gawaing ito ay mahigit isang dekada nang isinasagawa sa Barangay Bambang at pinangungunahan ng Parish Commission on Youth o PCY ng San Isidro Labrador Parish. Layunin nitong palalimin ang pananampalataya ng kabataan at patatagin ang ugnayan ng mga pamilya sa komunidad.
“Sa tuwing kumakatok ang Banal na Mag-anak sa bawat tahanan, hindi lamang mga batang naka-kasuot ang tinatanggap ng mga tao. Tinatanggap din nila ang diwa ng Pasko bilang paalala ng kababaang-loob ng Diyos at ng kahalagahan ng pamilya. Kapag sinasabi nating pamilya, marami itong anyo. Basta’t may pagmamahal, may pamilya,” ayon kay Joshua Roque, PCY Coordinator.
Sa gitna ng makabagong pagdiriwang ng Pasko, patuloy na pinatutunayan ng panunuluyan sa Bulakan na buhay na buhay ang mga tradisyong Pilipino na nagbubuklod sa komunidad at nagpapaalala sa tunay na kahulugan ng Pasko. (UnliNews Online)

