CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Bulacan PPO ang 7 na indibidwal na sangkot sa iligal na droga sa magkakahiwalay na operasyon kontra-droga noong Enero 5 at 6, 2026, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga sa lalawigan ng Bulacan.
Ayon sa ulat ni Lt. Col. Rommel E. Geneblazo, Hepe ng Malolos CPS, arestado ng mga operatiba ang 4 na indibidwal sa isinagawang anti-illegal drug buy-bust operation noong Enero 6, 2026, bandang alas-12:30 ng madaling araw sa Brgy. Atlag, City of Malolos, Bulacan.
Batay sa ulat ng Station Drug Enforcement Unit ng Malolos CPS, ang operasyon ay nagresulta sa pagkakakumpiska ng 18 piraso ng heat-sealed plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 26.87 gramo, na may tinatayang halaga P182,716.00 at buy-bust money.
Kasabay nito, batay sa ulat ng mga Hepe ng Pulisya ng Calumpit at Balagtas MPS, magkahiwalay na drug-bust operations na isinagawa ng kani-kanilang Station Drug Enforcement Units na nagresulta sa pagkakaaresto ng 3 drug pushers at pagkakasamsam ng 10 sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 6.50 gramo at may tinatayang halaga na P44,200.00, kasama ang buy-bust money.
Ang mga naarestong suspek at nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa Bulacan Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri, habang inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) na isasampa laban sa kanila.
Binigyang-diin ni Col. Angel L. Garcillano, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, na ang mga sunod-sunod na operasyon at pagkakaaresto ng mga drug pusher ay malinaw na patunay ng pinaigting na kampanya ng Bulacan Police laban sa ilegal na droga.
Aniya, patuloy na isinasagawa ang mga drug operation upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng bawat mamamayan sa lalawigan ng Bulacan. (UnliNews Online)

