CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Matagumpay na naisagawa ng Bulacan Police Provincial Office ang magkakahiwalay na operasyon kontra ilegal na droga na nagresulta sa pagkakaaresto ng 22 indibidwal noong Enero 8 at 9, 2026, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga.
Batay sa ulat ng DRT, Hagonoy, San Miguel, Bulakan, Plaridel, Marilao, Baliwag, Pulilan, Sta. Maria, Malolos at Guiuginto Police Stations, nagsagawa ng magkakahiwalay na drug buy-bust operations ang kani-kanilang Station Drug Enforcement Units na nagresulta sa pagkakasamsam ng 65 sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang halaga na P317,084, kasama ang mga ginamit na buy-bust money.
Ang mga naarestong suspek at nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa Bulacan Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri, habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na isasampa laban sa kanila.
Ayon kay PCOL ANGEL L GARCILLANO, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, patuloy na isinusulong ng Bulacan Police ang mga operasyong kontra ilegal na droga bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya para sa kapayapaan at seguridad ng publiko sa lalawigan ng Bulacan. (UnliNews Online)

