Wednesday, February 18, 2026
Amana Water Park
HomeRegional NewsCentral Luzon UnliNewsRehabilitasyon ng protective dike sa Nueva Ecija pinapaprayoridad

Rehabilitasyon ng protective dike sa Nueva Ecija pinapaprayoridad

GENERAL MAMERTO NATIVIDAD, Nueva Ecija (PIA) — Kailangang iprayoridad ng National Irrigation Administration (NIA) ang rehabilitasyon ng nasirang protective dike ng Pampanga-Bongabon River Irrigation System sa General Mamerto Natividad, Nueva Ecija.

Iyan ang binigyang-diin ng Regional Project Monitoring Committee (RPMC) ng Central Luzon Regional Development Council sa isang inspeksiyon na pinangungunahan ng Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) sa kinaroroonan ng nasabing patubig.

Nakumpirma rito ang malaking pinsala sa pagkakabuwal ng protective dike na isang banta para masira rin ang siphon barrel o ang kongkretong lagusan ng patubig na pinapadaloy papunta sa mga sakahan ng palay.

Sinabi ni DEPDev Region 3 Chief Economic Development Specialist Fernando Cabalza na bagama’t hindi kabilang sa mga big-ticket infrastructure projects ang proyektong patubig na ito, minarapat ng RPMC na sumadya rito upang matulungan ang NIA kung papaano mapapabilis na maisaayos ang nawasak na protective dike.

Nakasalalay aniya sa dikeng ito ang proteksiyon sa nasabing tunnel na daluyan ng patubig sa may 34,000 ektaryang sakahan sa mga bayan ng General Mamerto Natividad, Sta. Rosa, San Leonardo, at mga lungsod ng Palayan, Cabanatuan at Gapan sa Nueva Ecija.

Tiniyak naman ni NIA Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems Acting Manager Melvin Santiago na rerepasuhin ng ahensiya ang pagsusuri sa dapat na maigugol sa pagsasaayos ng protective dike upang maisama ito sa binabalangkas na 2027 National Expenditure Program. (UnliNews Online)

PHOTO CAPTION:
Ininspeksyon ng mga miyembro ng Regional Project Monitoring Committee ng Central Luzon Regional Development Council ang nasirang bahagi ng protective dike na nagpoprotekta sa siphon barrel o ang kongkretong lagusan ng patubig na pinapadaloy papunta sa may 34,000 ektaryang sakahan sa mga bayan ng General Mamerto Natividad, Sta. Rosa, San Leonardo, at mga lungsod ng Palayan, Cabanatuan at Gapan sa Nueva Ecija. (Vinson F. Concepcion/PIA 3)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News