SAN JOSE DEL MONTE CITY, Bulacan — Sa patuloy na pagpapalakas ng suporta sa career progression ng mga guro, pinangunahan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Education Secretary Sonny Angara, ang mass oathtaking ng mga na-promote na teachers at school heads mula Bulacan at Pampanga sa San Jose del Monte Sports Complex nung Huwebes (Feb. 19).
Umabot sa 1,991 newly promoted at reclassified personnel mula sa iba’t ibang schools division ng Bulacan at Pampanga ang nanumpa sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) system, na isang pagbibigay-priyoridad sa kapakanan ng mga guro at pagkilala sa kanilang serbisyo sa pagpapaunlad ng basic education.
Nakaangkla sa pambansang pagpapatupad ng Republic Act (R.A.) No. 12288 o ang Career Progression for Public School Teachers and School Leaders Act of 2025. Kasama sa grupo ang mga gurong nakataas sa mas matataas na ranggo, mula Guro II hanggang Guro VII at Master Guro I hanggang Master Guro III, gayundin ang mga punong-guro ng paaralan na na-promote mula Principal I hanggang Principal IV.
Sa Gitnang Luzon (Rehiyon III), ang Bulacan at Pampanga Clusters ay isa sa pinakamalaking grupo ng mga bagong na-promote na tauhan nitong mga nakaraang buwan. Nagtala ang Bulacan ng 408 promote, na sinundan ng Pampanga na may 368. Ang Mabalacat City ay may 301, Angeles City ay may 238, at ang City of San Fernando ay may 233. Ang iba pang dibisyon ng paaralan ay kinabibilangan ng Meycauayan City (128), San Jose Del Monte City (145), Malolos City (90), at Baliwag City (80).
Idinaos ang seremonya kasama sina Bulacan Gov. Daniel Fernando, Vice Gov. Alex Castro, San Jose del Monte Mayor Florida Robes, Meycauayan Mayor Henry R. Villarica, Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo, Congressman Arthur Robes, Congressman Salvador Pleyto, mga DepEd officials, mga guro, at iba pang kinatawan ng LGUs.
Source: DepEdPhilippines & PIA

