NASABAT ng Philippine National Police (PNP) ang tinatayang mahigit ₱1.1 milyong halaga ng mga produktong cooking oil sa inilatag na operasyon sa Sitio Allied, Brgy. San Rafael, Tarlac City.
Pinangunahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Tarlac Provincial Field Unit, katuwang ang Tarlac City Police Station, ang operasyon na isinagawa sa bisa ng search warrant na inilabas ng Regional Trial Court Branch 63 Tarlac City kaugnay ng paglabag sa Food and Drug Administration Act of 2009.
Sa maayos at planadong pagsalakay, daan-daang lalagyan ng cooking palm oil at coconut oil ang nakumpiska, kasama ang mga resibo ng transaksyon, delivery receipts, isang Samsung tablet, at iba pang ebidensyang mahalaga sa kaso.
Tinatayang umaabot sa P1,152,492.00 ang kabuuang halaga ng mga nakuhang produkto.
Ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., patunay ang matagumpay na operasyon ng kanilang matibay na paninindigan laban sa mga produktong maaaring makapinsala sa kalusugan ng publiko.
“Ang ganitong operasyon ay patunay ng ating determinasyon na protektahan ang mamamayan at siguraduhing ligtas ang mga produktong nakapasok sa merkado,” pahayag ng PNP Chief.
Nagbabala rin ang PNP sa publiko na iwasan ang pagbili ng cooking oil mula sa hindi awtorisado at kahina-hinalang mga nagbebenta.
“Ang kalusugan ng bawat isa ay hindi dapat isugal,” diin ni Nartatez.
Dinala ang mga nasabat na ebidensya sa tanggapan ng CIDG Tarlac PFU sa Camp Macabulos para sa wastong dokumentasyon at disposisyon.
Courtesy: PNP-PIO

