Wednesday, March 11, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsGarayeña, kinilala bilang ‘Natatanging Babae’ sa Gawad Medalyang Ginto 2026

Garayeña, kinilala bilang ‘Natatanging Babae’ sa Gawad Medalyang Ginto 2026

LUNGSOD NG MALOLOS — Nasungkit na ni Mariel Lyn P. Biason mula sa bayan ng Norzagaray sa pangalawang pagkakataon ang titulo bilang ‘Natatanging Babae’ para sa edisyon ngayong taon ng Gawad Medalyang Ginto 2026 na ginanap noong Lunes (Marso 9) sa The Pavilion Hiyas ng Bulacan Convention Center.

Naging matamis kay kay Mariel Lyn ang pangalawang pagkakataon para sa mga taong may tiyaga mula ng maging nominado bilang Natatanging Babae noong 2025. Nauna nang ginawaran ng parangal si Biason bilang Matagumpay na Babaeng Mangangalakal 2023.

Aniya sa kaniyang talumpati, sa naging karanasan niyang ito siya humugot ng lakas upang ipakita sa mga tao na walang sino man ang nagtatagumpay nang hindi sumusubok.

“Walang nagtatagumpay, kung walang susubok. Lahat ng bagay ay may panahon at pagkakataon. Lagi ninyo pong tatandaan na sa bawat pagsubok at tagumpay ng buhay, lagi tayong nadarapa ngunit hindi p’wede na hindi tayo babangon,” aniya.

Kasama rin ni Biason sa listahan ng mga nagwagi sina Veronica D. Flores ng Lungsod ng Malolos (Matagumpay na Ginang ng OFW), Lorinel M. Conde ng Obando (Matagumpay na Babaeng Social Media Influencer), Arlene C. Cabrera ng Obando (Matagumpay na Babaeng Makakaliksasan), Erica Lingad ng Norzagaray (Matagumpay na Babaeng Mangangalakal), Ma. Sabrina T. Sablan ng Plaridel (Huwarang Kabataang Babae sa Pamumuno), ang Konsehong Pambayan para sa Kababihan ng Obando (Matgumpay na KPK), at ang Daughters of Mary Immaculate International ng Marilao (Natatanging Samahang Pangkababaihan).

Nagpahayag naman ng kaniyang paghanga si Gobernador Daniel R. Fernando sa mga nominado at nanalo, kabilang ang lahat ng Bulakenya sa lalawigan, at binigyang-diin ang kahalagahan ng papel na ginagampanan ng kababaihan lalong higit sa isang pamilya at marapat lang na palakpakan.

“Sa isang matatag na pamilya, bawat miyembro ay may mahalagang papel. At sa puso ng bawat pamilya ay matatagpuan ang isang babaeng may lakas ng loob, malasakit, at walang sawang pag-aaruga. [Kaya dapat ay pinapalakpakan] po natin ang ating mga ilaw ng tahanan—ang ating mga dakilang ina,” aniya.

Ipinaalala rin ni Fernando sa mga dumalo na ang pagiging babae ay hindi dapat ikunsidera bilang limitasyon, ngunit bilang isang puwersa ng lakas na kayang mamuno, mag-alaga, hubugin ang kinabukasan, at magsilbing inspirasyon sa komunidad.

Kasabay nito, iniulat din ng gobernador ang kaniyang State of the Women Address bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pandaigdigang Buwan ng Kababaihan, kung saan tinalakay niya ang mga inisyatiba ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na nagsulong sa karapatan ng mga Bulakenya sa nagdaang taon.

Ang Gawad Medalyang Ginto ay isang taunang pagbibigay ng parangal upang dakilain ang mahahalagang ambag at gawain ng kababaihan sa probinsiya na inoorganisa ng Panlalawigang Komisyon para sa Kababaihan ng Bulacan sa pakikipagtulungan ng Provincial Social Welfare Development Office. (May dagdag na ulat si Allan Casipit)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News