CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos ang isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng Santa Maria Municipal Police Station (MPS) na nagresulta rin sa pagkakasamsam ng hinihinalang shabu at baril sa Brgy. Caysio, Santa Maria, Bulacan noong Huwebes ng hapon (Marso 12, 2026).
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Mark Louie M. Sigua, Chief of Police ng Santa Maria MPS, kinilala ang naarestong suspek na si alias JR Bukol, 41 anyos at residente ng Brgy. Caysio, Santa Maria, Bulacan.
Isinagawa ang operasyon bandang 2:30 ng hapon ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Santa Maria MPS, sa pakikipag-ugnayan sa Bulacan Police Intelligence Unit (PIU), Bulacan Provincial Intelligence Team East (PIT East), Regional Intelligence Unit 3 (RIU3), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bulacan.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakaaresto ng suspek matapos nitong magbenta ng hinihinalang shabu sa undercover na awtoridad. Sa isinagawang operasyon, nakumpiska mula sa suspek ang humigit-kumulang 20 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halagang P136,000.00 batay sa standard drug price, 1 caliber .38 revolver na may serial number 44022 na may 2 bala, at ang ginamit na buy-bust money na P1,000.
Dinala ang naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa Santa Maria MPS para sa kaukulang dokumentasyon at paghahanda sa pagsasampa ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) sa Office of the Provincial Prosecutor sa Malolos City, Bulacan. (UnliNews Online)

