Thursday, March 19, 2026
Amana Water Park
HomeOpinionAUTHOR'S VIEWPOINTReserbang langis ng Japan, ibinuhos sa world market

Reserbang langis ng Japan, ibinuhos sa world market

MABUTI pa ang bansang Japan at nakapag-imbak sila ng produktong petrolyo dahil ang ginawa nilang pag-iimbak ng langis ay bilang paghahanda sa hindi inaasahang pangyayari tulad ng nangyayaring gulo sa Middle East, na kung saan nagdidigmaan ang America, Israel laban sa Iran.

Ang giyerang nangyayari sa Gitnang Silangan ay nakaapekto sa mga bansang nakadepende sa petroleum products tulad ng Pilipinas. Nakita naman natin ang ginawa ng Iran, nang kanilang binomba ang oil facilities ng mga kapitbahay nilang bansa at kanila ring hinigpitan ang paglabas-masok ng mga oil tanker sa Straight of Hormuz, ang makipot na waterway na dinadaanan ng mga oil tanker.

Dahil sa nasabing pangyayari, sumisirit pataas ang halaga ng petrolyo sa pandaigdigang merkado at nakaepekto sa maraming bansa sa mundo katulad ng Pilipinas. Ito ngayon ang problema nating mga Pilipino. Hindi tayo katulad ng Japan na may pondong petrolyo. Dito kasi sa atin, ang mga kumpanya ng langis ang nag-iimbak ng produktong petrolyo kaya sa tuwinang dumarating ang krisis sa langis ay sinasamantala naman ng mga mapagsamantala ang sitwasyon.

Pero hindi sinarili ng Japan ang kanilang imbak na langis kaya gumawa sila ng isang desisyon na maaaring magpagaan sa pandaigdigang komunidad dahil ipinahayag kamakailan ni Prime Minister Sanae Takaichi ang plano ng Japan na maglabas ng hindi bababa sa 80 milyong bariles ng krudo mula sa kanilang national at pribadong reserba. Simula Marso nitong 16, ang bilyun-bilyong halaga ng langis na ito ay sisimulang ibuhos sa global market—isang matapang na hakbang upang patatagin ang supply ng langis na ngayo’y nanganganib.

Tila isang superhero na dumating sa oras ng pangangailangan, ang Japan na kung saan ay nagbibigay ng pag-asa sa gitna ng unos. Bakit ito gagawin ng Japan, gayong sila rin ay importer ng langis sa Middle East gayong halos 70% ng langis na kanilang inaangkat ay dumadaan sa Straight of Hormuz.  Ito ay laban pandaigdigang daluyong sa ekonomiya. Hindi sila makasarili at sa halip ay nagbigay ng isang malakas na mensahe sa mundo at isa pa, ang paglabas ng reserbang langis ng Japan ay maaaring makatulong sa pag-stabilize ng presyo ng gasolina sa buong mundo, kabilang ang Pilipinas.

Dito sa Pilipinas, ang pinakamabuting solusyon ng pamahalaan para mapagaan ang kalbaryo ng mga motorista ay ang pagsuspindi sa ipinapataw na excise tax sa petroleum products. Ito lamang ang tanging paraan para bumaba ang presyo ng gasoline, diesel at kerosene. Ilang araw na ang nakakaraan nang magpatupad ng big time oil price hike ang mga kompanya ng langis. Paano kung maging serye ang pagtaas ng langis?

Kaya dapat ay ibayong pagtitipid ang gawin ng mga motorista lalo na ang mga may-ari ng mga pribadong sasakyan. Kung hindi rin lang mahalaga ang lakad ay huwag na munang gumamit ng private vehicle para naman makatipid sa konsumo sa gas. Hindi natin alam kung hanggang kailan itong nararanasang oil price hike. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News