Tuesday, March 17, 2026
Amana Water Park
HomeNational NewsOFW remittance protection bill, aprobado na ng Senado

OFW remittance protection bill, aprobado na ng Senado

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Aprobado na ng Senado ang panukalang batas na mag-aayos ng sistema ng pagpapadala ng pera ng mga Overseas Filipino Worker (OFW), na aniya’y tumutugon sa matagal nang isyu sa remittance system na kumakain sa kinikita ng milyun-milyong migranteng manggagawa at kanilang mga pamilya.

Ayon kay Senador Joel Villanueva, layunin ng Senate Bill No. 1917 o Overseas Filipino Workers’ Remittance Protection Act, na iniakda at inisponsoran ni Villanueva bilang tagapangulo ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions, and Currencies, na gawing mas simple at malinaw ang mga singil sa remittance, ilahad ang istruktura ng mga bayarin, at magtakda ng konsultasyon sa mga stakeholder bago magpatupad ng anumang pagbabago sa mga singil.

Ipinagbabawal din ng panukala ang biglaan at unilateral na pagbabago sa mga bayarin at nagtatakda ng parusa sa mga lalabag.

Bukod sa regulasyon ng remittance fees at services, inaatasan din ng panukala ang Department of Migrant Workers (DMW) at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na magsagawa ng financial literacy programs para sa mga OFW at kanilang mga pamilya, upang matiyak na ang mga remittance ay nagiging pundasyon ng pangmatagalang seguridad sa pangkabuhayan at hindi lamang pansamantalang pinagkukunan ng kita.

Binigyang-diin pa ni Villanueva na hindi layunin ng panukalang batas na targetin ang industriya.

Binanggit din niya ang nagpapatuloy na tensyon sa Gitnang Silangan, kung saan nandoon ang malaking bilang ng mga manggagawang Pilipino, bilang isa sa mga dahilan kung bakit mahalagang maipasa agad ang panukala.

Aniya, itinampok din ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pangangailangang protektahan ang daloy ng remittance mula sa nasabing rehiyon at inatasan ang mga ahensya ng pamahalaan na pagaanin ang pinansyal na pasanin ng mga OFW sa gitna ng kawalang-katiyakan doon.

“Our responsibility does not end with the deployment or rescue of OFWs. It extends to ensuring that the fruits of their labor reach their families with dignity and fairness.”

Pinasalamatan din ng senador ang kanyang mga kasamahan sa Senado sa kanilang suporta sa panukala at kinilala ang Bangko Sentral ng Pilipinas, Department of Finance, DMW, OWWA, at OFW advocacy groups sa kanilang mga ambag at mungkahi sa mga deliberasyon.

Ipinaliwanag ni Villanueva na bahagi ang panukalang batas ng mas malaki at mas pangmatagalang tungkuling lumikha ng sapat na mga oportunidad sa loob ng bansa upang hindi na mapilitang maghanap ng trabaho sa ibang bansa ang mga Pilipino.

“The passage of this bill brings us one step closer to a more just and protective system for our OFWs. Yet, it is also a reminder of our continuing responsibility to create opportunities here at home, so that one day, no Filipino will be compelled to leave the country in search of livelihood,” ani Villanueva. (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News