SADYANG mahirap magtrabaho sa mga bansang apektado ng giyera kaya naman labis ang pag-aalala ng mga pamilya ng mga Overseas Filipino Workers sa Gitnang Silangan dahil sa nararanasang kaguluhan sa mga bansang inaatake ng mga missiles ng Iran.
Dahil sa giyera, hindi makakapagtrabaho ng maayos ang mga OFW dahil sa pangamba na tamaan sila ng mga missile o bomba na pinalilipad ng Iran, lalo na ang bansang Israel na sa kasalukuyan ay binobomba ng mga missile ng Iran bilang ganti din naman ng Iran sa ginagawang air strikes ng Israel sa military facilities ng Iran.
Dahil diyan, kumilos ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa pamamagitan ni Mayor Christian D. Natividad at kamakalawa lang ay nagkaloob ng tulong pinansiyal na tig-sampung libong piso sa mga pamilya ng mga OFW Maloleño na naiipit sa digmaang USA, ang tanggapan ng Agila ng Bulacan.

Alam naman natin ang mga bansang nililigalig ng digmaan kung saan maraming manggagawang Pilipino ang nagtatrabaho sa mga bansang nadamay sa giyera tulad ng Israel, Saudi Arabia. United Arab Emirates, Bharain, Dubai, Kuwait, Oman, at Qatar.
Sa mga bansang ito maraming OFW kaya naman agad na nagbigay ng ayuda ang tanggapan ni Mayor Christian sa mga pamilya ng mga OFW na kasalukuyang nasa war zone dahil hindi madali para sa kanila ang magpadala ng pera para sa kani-kanilang pamilya.
Napag-alaman kay Mayor Natividad na umabot sa 36 mga pamilya ng OFW ang tumanggap ng tig-isang tseke na nagkakahalaga ng P10,000. Mayroon pa umanong 51 OFWs ang kasalukuyang ipinoproseso sa Pamahalaang Lungsod ang ayuda para sa kanila.
Ayon pa sa alkalde, handa anya ang kanyang tanggapan sa repatriation ng mga OFW Maloleño na gusto ng umuwi ng Pilipinas kung sila ay hindi mapagkakalooban ng tulong mula sa pamahalaang nasyonal.
Bagama’t may inilalaang pondo ang pamahalaang nasyonal para sa repatriation ng mga manggagawang Pilipino sa mga bansang apektado ng digmaan, handa naman umano ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos na umasiste sa mga Maloleñong OFW na gusto ng makauwi kung hindi sila agarang mapapauwi ng.national government.
Handa umanong sagutin ng city government ang gastos sa pamasahe pauwi ng mga OFW gayundin ang pamasahe pabalik sa mga bansa na kanilang pinanggalingan kapag maayos na ang sitwasyon.
PHOTO CAPTION:
Tumanggap ng tig-isang tseke na nagkakahalaga ng Php10,000.00 ang mga pamilya ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na naapektuhan ng digmaan ng USA, Israel laban sa Iran sa Gitnang Silangan. (Larawan kuha ni Manny dela Cruz)

