LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Pinarangalan ng Outstanding Program of Superbrands Philippines si Mayor Christian D. Natividad bilang Most Outstanding Mayor Award 2023 kamakailan sa Asian Institute of Management.
Isa sa apat na mga Punong Lungsod na ginawaran ng Outstanding City Mayor Award si Mayor Atty. Christian Natividad.
Sa kaniyang talumpati, siya ay nagpahayag ng pasasalamat sa paggawad sa kaniya ng parangal. Binanggit niya ang pagpili ng Department of Science and Technology at Development Academy of the Philippines sa Lungsod ng Malolos upang maging kauna-unahang Smart City sa Pilipinas.
Ayon sa alkalde, simula noong 2010, taon kung kailan siya naupo bilang isang Mayor sa Malolos, ang kaniyang hangarin ay magkaroon ng kalidad na edukasyon ang lungsod ng Malolos. Ito ang siya namang nagdala ng iba’t-ibang pagkilala sa lungsod gaya ng Top 1 in the Philippines for Secondary Education na ginawad ng DepEd.
“Education is the very foundation of our society, we try to change the mindset of the young, we prepare them for the future na tama ‘yung nakikita nila, tama ‘yung naririnig nila, tama ‘yung mga nakakasama nila. Then maybe Jose Rizal is right na ang kabataan ang pag-asa ng bayan,” ani Mayor Natividad
Kabilang pa sa ibang mga parangal na nabanggit sa kaniyang talumpati ang paggawad sa Malolos bilang Safest City in the Philippines noong 2015 hanggang 2017; Climate Change Commission bilang Resilient and Tactive City, 2016; at pagiging DSWD Hall of famer na Mayor dahil sa kaniyang Social Service Rating.
Sa pagtatapos ng kaniyang talumpati, pinasalamatan niyang muli ang ating Panginoon at ang kaniyang mga kasama sa pagkamit ng parangal. (UnliNews Online)