NAGHAIN si Senador Win Gatchalian ng panukalang batas na nagbabawal sa mga batang wala pang 16 taong gulang na magparehistro, gumamit, at magpanatili ng mga account sa kahit anong social media platform.
“Panahon na upang protektahan ang ating mga kabataan mula sa pinsalang dulot ng social media. Huwag na nating hintaying lumala ang problema bago tayo umaksyon,” ani Gatchalian kasunod ng paghahain niya ng Social Media Safety for Children Act (Senate Bill No. 2066).
Ang naturang panukala ay pagsunod ng halimbawa ng iba’t ibang bansa. Ang bansang Australia ang naunang magpatupad ng ganitong klase ng ban noong ipasa nito ang Online Safety Amendment (Social Media Minimum Age Act 2024) na nagsimulang maging epektibo noong Disyembre 2025.
Sa Timog-Silangang Asya, ang bansang Indonesia ang unang nagpatupad ng parehong regulasyon noong ipagbawal nito ang social media access sa mga batang wala pang 16 na taong gulang.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2066, magiging mandato sa mga social media platform providers na magpatupad ng mga age at identity verification systems, magsagawa ng regular na mga audit upang ma-deactivate ang mga accounts ng mga users na wala sa wastong gulang, magpatupad ng mga reporting at response mechanisms para sa underage access, at iba pa.
Ang DICT, sa pakikipagtulungan sa DSWD, DepEd, NTC, NPC, at iba pang mga ahensya ng pamahalaan, pati na rin ang mga kinatawan ng pribadong sektor, ay magbabalangkas ng rules and regulatons sa loob ng 90 araw na maisabatas ang naturang panukala. (UnliNews Online)
Source: FB Page Senador Win Gatchalian

