CALUMPIT, Bulacan (PIA) — Pormal nang inilagak ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang Panandang Pamana sa harapan ng Simbahan ng Calumpit bilang bahagi ng pagsusulong sa pangangalaga at pagpapahalaga sa mga makasaysayang istruktura sa lalawigan ngayong Buwan ng Pamana.
Sa pamamagitan ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office (PHACTO), layunin ng inisyatibo na mapalalim ang kamalayan ng publiko sa mahalagang papel ng mga pamanang gusali sa kasaysayan, kultura, at pagkakakilanlan ng mga Bulakenyo.
Batay sa mga tala ng National Historical Commission of the Philippines, ang Simbahan ng Calumpit ang pinakamatandang simbahan sa Bulacan na itinatag ng mga paring Agustino noong 1572—anim na taon bago pa man maitatag ang lalawigan ng Bulacan noong 1578.
Matatagpuan ito sa tabi ng Calumpit River at unang nagsilbing bisita ng Tondo sa patronato ni San Juan Bautista.
Pagsapit ng ika-19 na siglo, naitayo ang kasalukuyang istruktura ng simbahan sa poblacion ng Calumpit. Naging bahagi rin ito ng kasaysayan ng bansa noong Philippine-American War nang sunugin ito ng mga rebolusyonaryong Pilipino upang mapigilan ang pag-usad ng puwersang Amerikano pahilaga ng Luzon.
Ayon kay PHACTO Officer-in-Charge Limuel Jan Lobedero, patunay ang paglalagak ng Panandang Pamana sa patuloy na pagpapahalaga ng pamahalaang panlalawigan sa mga makasaysayang istruktura na nagsisilbing saksi sa kasaysayan ng bansa at pananampalataya ng mga Bulakenyo.
Pormal namang tinanggap ng Diyosesis ng Malolos ang naturang marker na magsisilbi ring instrumento sa pagpapalaganap ng kasaysayan ng Simbahan ng Calumpit.
Sinabi naman ni Calumpit Mayor Glorime Faustino na mahalagang pagkilala ito sa bayan na makatutulong sa pagpapalakas ng cultural heritage preservation at tourism awareness sa komunidad.
Ang paglalagay ng Panandang Pamana ay bahagi ng SINEliksik Bulacan, isang tourism, history, and heritage program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na may suportang teknikal at pinansyal mula sa Commission on Higher Education sa pamamagitan ng travel tax fund ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority alinsunod sa Republic Act 9593 o National Tourism Policy Act of 2009. (UnliNews Online)

