LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Nabigyan nang pag-asa si Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na matuloy ang matagal nang panukala na Manila-Bulacan-Pampanga-Bataan Coastal Road-Dike, ngayong katulong na ng ahensiya ang Asian Development Bank (ADB).
Iyan ang iniulat ng kalihim nang pangunahan niya ang pagsasampa ng mga kaso sa mga dating opisyal ng Bulacan 1st District Engineering Office at mga kontratistang akusado kaugnay ng mga iregularidad sa mga flood control projects sa lalawigan.
Ipinaliwanag niya na ang pagsisimula ng ADB na magkaroon ng feasibility study ng proyekto ang isa sa mga unang hakbang upang mailatag ang alignment o ruta ng coastal road-dike at matitiyak din ang pagpopondo.
Opisyal itong tinatawag ng kagawaran bilang Manila Bay Integrated Flood Control, Coastal Defense and Expressway Project.
Batid ni Dizon na matagal nang inaasam ng mga taga-Bulacan, Pampanga at Bataan ang nasabing road-dike na hindi lamang pipigil sa pagbabaha dahil sa high tide ng Manila Bay, kundi magsisilbi rin itong bagong alternatibong daan mula sa Metro Manila patungo sa nasabing mga lalawigan.
Tinatayang aabutin ng limang taon o higit pa ang durasyon ng aktuwal na konstruksiyon.
Ayon kay Bulacan Governor Daniel Fernando, malaking hakbang ito upang tunay na mabigyan ng kongkretong solusyon ang ilang dekada nang idinadaing ng mga taga Calumpit at Hagonoy, na palagian at matagal tumuna na pagbabaha sa mga nasa dalampasigan ng lalawigan.
Napatunayang mabisa kontra-baha ang pagpapatayo ng mga matitinong dike tulad ng ginawa sa Obando.
Mula 2012, ikinulong ng DPWH ng dike ang kabuuan ng dalampasigan ng Obando kung saan nagresulta ito sa pagiging isang dekada hindi na pagkakabaha.
Matatandaan na inaprubahan at inendorso kamaikailan ng Regional Development Council (RDC) ng Gitnang Luzon ang Manila-Bulacan-Pampanga-Bataan Coastal Road-Dike base sa tala ng Department of Economy, Planning and Development.
Taong 2023 nang magkakasamang idinulog nina Fernando, noo’y Gobernador Dennis Pineda ng Pampanga, at Gobernador Jose Enrique Garcia III kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang proyekto sa isang RDC Meeting sa Lungsod ng Malolos.
Muli itong itinaguyod ng nasabing mga gobernador sa isa pang RDC Meeting sa Lungsod ng San Jose Del Monte noong 2025 hanggang sa tuluyan nang pinagtibay.
Magiging katuwang ang proyektong ito sa ginagawang US$3.9 bilyong Bataan-Cavite Interlink Bridge Project na pinopondohan din ng ADB sa halagang US$2.11 bilyon at ng Asian Infrastructure Investment Bank na US$1.14 bilyon.
Gayundin, maililinya rin ang Manila Bay Integrated Flood Control, Coastal Defense, and Expressway Project sa mga malalaking proyektong imprastraktura na isasakatuparan sa ilalim ng Build-Better-More Program ng administrasyong Marcos Jr. (UnliNews Online)

