Camp General Alejo S. Santos, Malolos City, Bulacan – Dalawang sangkot sa iligal na droga ang naaresto sa isinagawang anti-illegal drug operation ng mga operatiba ng Pandi Municipal Police Station sa Brgy. Mapulang Lupa, Pandi, Bulacan noong Biyernes ng madaling araw (Hunyo 12).
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Nelson M. Sardin, Hepe ng Pandi MPS, nagsagawa ng buy-bust operation ang Station Drug Enforcement Unit ng Pandi MPS na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang suspek dakong alas-2:30 ng madaling araw. Kinilala ang mga suspek na sina Alyas Janno, 33 anyos na tattoo artist at Alyas Son, 29 anyos at kapwa residente ng Pandi Residence 1, Brgy. Mapulang Lupa, Pandi, Bulacan.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 4 na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na tatlong gramo at nagkakahalaga ng humigit-kumulang P20,400.00, 500 buy-bust money, at isang kalibre .38 revolver na walang serial number na may 4 na bala.
Ang mga naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Pandi MPS para sa kaukulang dokumentasyon bago isumite sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa laboratory examination at drug testing.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 26 ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, gayundin sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Samantala, muling pinagtibay ni P/Col. Jay B. Baybayan, Bulacan Provincial Director, ang matatag na kampanya ng Bulacan PPO laban sa ilegal na droga at iba pang uri ng kriminalidad ay upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan ng Bulacan. (UnliNews Online)

