Ni RONALYN CRUZ
LUNGSOD NG MALOLOS — Binigyang-diin ni Punong Lungsod Abgdo. Christian D. Natividad ang kahalagahan ng pagpapanatili at pagpapahalaga sa mga istrukturang simbolo ng pag-unlad ng nasaing lungsod, kasabay ng opisyal na paghahawi ng tabing sa mga pananda ng Malolos Flyover at orihinal na Malolos Arch nitong Biyernes (Hunyo 19).
Ayon kay Mayor Natividad, ang dalawang istruktura ay hindi lamang nagsisilbing solusyon sa problema at palatandaan. Aniya, ang mga ito ay patunay na sumasabay ang Lungsod ng Malolos sa pag-unlad at sa mabilis na progresong dumarating sa bansa at sa buong mundo.
Hinikayat din niya ang mga Maloleño na pahalagahan ang bawat istrukturang ibinibigay at nililikha para sa lungsod, dahil ito ay para rin sa mga mamamayan.
Ginanap ang seremonya kasabay ng paggunita sa kapanganakan ni Dr. Jose Rizal. Matapos mag-alay ng bulaklak at magbigay-parangal sa busto ni Rizal sa Casa Real, tinungo ng mga opisyal ang Malolos Crossing para ihawi ang tabing ng pananda ng bagong ayos na Malolos Flyover.

Naging espesyal ang paghahawi dahil personal na dumalo si Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo, na siyang nagpagawa ng flyover noong siya ay naninilbihan bilang ika-14 na pangulo ng bansa.
Ayon sa mga opisyal, naibsan ng flyover ang dating matinding daloy ng trapiko sa Malolos Crossing at nakatulong para mapabilis ang biyahe ng mga motorista patungong kabayanan ng Malolos o papuntang Bayan ng Calumpit.
Kasunod nito, binisita at hinawian din ng tabing ang pananda ng orihinal na Malolos Arch na ngayon ay nasa harapan ng New Malolos City Hall.
Matatandaan na nasira ang arko matapos mabunggo ng truck. Minabuti ng Pamahalaang Lungsod na ilipat ito sa compound ng city hall upang maging atraksyon at tanda ng pagiging ganap na lungsod.
Dumalo rin sa seremonya sina Cong. Gloria Macapagal Arroyo, Cong. Danny Domingo, Kon. John Vincent Vitug, Kon. Troi Aldaba, Kon. Dennis San Diego, ABC Pres. Belty Bartolome, Gertrudes Nicodemus na Assistant City Administrator, at Rommel Santiago na Deputy Officer ng City of Malolos Arts and Culture, Tourism, and Sports. (UnliNews Online)

