Ni RONALYN CRUZ
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Isang hakbang kontra pagbaha ang nilagdaan ni Punong Lungsod Abgdo. Christian D. Natividad matapos niyang aprubahan ang City Ordinance No. 12-2026 o ang “Water Impounding Facility Integration Ordinance of the City of Malolos” noong Mayo 25, 2026.
Ang bagong ordinansa, na ipinasa ng Sangguniang Panlungsod sa pamumuno ni Vice Mayor Gilbert T. Gatchalian noong Mayo 18, 2026, ay nagtatakda ng mas mahigpit na panuntunan para sa lahat ng development projects sa lungsod upang tugunan ang lumalalang problema sa pagbaha.
“Hindi na maaaring puro pag-unlad lang. Kailangan, kaakibat ng pag-unlad ang responsibilidad na protektahan ang ating mga kababayan sa baha. Ito ang esensya ng ordinansang ito,” pahayag ni Mayor Natividad.
Sa ilalim ng ordinansa, inaatasan ang lahat ng pribado at pampublikong developer kabilang ang mga subdivision, commercial buildings, industrial parks, at iba pang katulad na development na maglaan ng bahagi ng kanilang proyekto para sa isang water-impounding o water-improving facility.
Kabilang sa mga pasilidad na ito ang rainwater harvesting systems, detention o retention basins, at wastewater treatment systems na layong saluhin at iimbak ang tubig-ulan upang hindi ito dumiretso sa mga kalsada at magdulot ng pagbaha.
Ayon sa ordinansa, ang City Engineering Office (CEO), City Environment and Natural Resources Office (CENRO), at City Planning and Development Office (CPDO) ang magtutukoy ng sukat o kapasidad ng pasilidad batay sa laki ng development, density ng istruktura, at kung ang lugar ay itinuturing na flood-prone.
Ang pinakamahalagang probisyon ng ordinansa ay ang pagtrato sa compliance bilang “condition precedent” o pangunahing kundisyon sa pag-iisyu ng mga permit.
Ibig sabihin, hindi na mag-iisyu ang Pamahalaang Lungsod ng Development Permit, Building Permit, o Certificate of Occupancy kung ang plano ng proyekto ay walang nakalaang water-impounding facility na aprubado ng CEO at CENRO.
Inakda nina Konsehal Noel G. Pineda, Konsehal Dennis D. San Diego, Konsehala Meri Ann Geli Bulaong, Konsehal Victorino M. Aldaba III, at Konsehal Luis Alfonso M. Arcega ang ordinansa bilang tugon sa obserbasyon na ang mabilis na urbanisasyon sa Malolos ay nagpababa sa kakayahan ng lupa na sumipsip ng tubig-ulan o natural water infiltration.
Nakabatay ang ordinansa sa Local Government Code, Philippine Clean Water Act, at Ecological Solid Waste Management Act. (UnliNews Online)

