CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Dalawang hinihinalang mga ‘tulak’ ng iligal na droga ang nasakote sa isinagawang anti-drug operation ng mgfa operatiba ng Malolos City Police Station noong Martes (Aug. 25) sa Brgy. Look 1st, Lungsod ng Malolos, Bulacan.
Base sa report, kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas “Georgia” 46 taong gulang, residente ng Brgy. Look 1st; at alyas “Dedong” 31 taong gulang, Brgy. Lugam, parehong taga Lungsod ng Malolos, Bulacan.
Sa isinagawang operasyon, nasamsam ang 4 na heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng puting mala-kristal na substansiya na hinihinalang shabu, na may tinatayang kabuuang timbang na 3.7 gramo at nagkakahalaga ng P25,296.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, ng Article II ng Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy namang pinaiigting ng Malolos PNP ang mga operasyon laban sa iligal na droga bilang bahagi ng kanilang mandato na mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng komunidad, tungo sa pagkakaroon ng drug-free community sa lungsod. (UnliNews Online)

