CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Naaresto nang pinagsanib na puwersa ng Provincial Intelligence Unit, Bulacan 1st PMFC at Malolos City Police Station ang Top 1 Most Wanted Person sa Bulacan na nahaharap sa tatlong bilang ng kasong Statutory Rape.
Base sa ulat ni Maj. Mark Anthony E. Tiogson, Acting Chief, PIU, kinilala ang naarestong akusado na isang 18 taong gulang na lalaki, at residente ng Brgy. Bangkal, Malolos City.
Naaresto ang suspek bandang alas-7 ng gabi noong Lunes (Agosto 3) sa Brgy. Guinhawa, Lungsod ng Malolos, Bulacan sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong (3 Counts) Statutory Rape na inilabas ni Hon. Francisco Macapagal Beley, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 4, Malolos City, Bulacan, noong Hunyo 30, 2026, na may walang inirekomendang piyansa.
Sa kasalukuyan, ang akusado ay dadalhin sa Bulacan Medical Center para sa kaukulang physical examination at pagkatapos ay isasailalim sa dokumentasyon at iba pang legal na proseso. Ang Warrant of Arrest ay ibabalik sa korte na pinagmulan nito habang hinihintay ang pagpapalabas ng Commitment Order.
Samantala, pinuri ni P/Col. Jay B. Baybayan, Acting Provincial Director ng Bulacan PPO, ang dedikasyon at koordinasyon ng mga operatiba ng PIU, Bulacan 1st PMFC, at MCPO sa matagumpay na operasyon laban sa mga wanted na personalidad.
“Ang pagkakaaresto sa Top 1 Most Wanted Person sa Bulacan ay patunay ng ating mas pinaigting na kampanya laban sa mga kriminal at sa walang humpay na pagtupad ng ating tungkulin upang maipatupad ang batas at mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng krimen,” ani Col. Baybayan. (UnliNews Online)

