CALUMPIT, Bulacan — Personal na pinuntahan nina Gov. Daniel Fernando at Vice Gov. Alex Castro ang mga residenteng apektado ng matinding pagbaha dulot ng Habagat at Bagyong Maymay ang Bayan ng Calumpit nu’ng Miyerkules (Aug. 12).
Kasama sina Calumpit Mayor Lem Faustino, Vice Mayor Zac Candelaria, PSWDO Chief Rowena Joson-Tiongson, PDRRMO Chief Col. Manuel Lukban, at iba pang kawani ng Pamahalaang Panlalawigan, hinatiran nila ng suporta ang mga residente sa Barangay Maysulao, San Miguel, at Gatbuca.

Base sa datos ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) aabot umano sa 154,961 katao na nasa kabuuang 46,498 pamilya ang apektado ng nasabing kalamidad.
Sa maikling pahayag ng gobernador, sinabi nito na kasalukuyan ng pinag-aaralan at isinusulong ang “Mega Dike Project” na siyang magiging lunas sa kinahaharap na problema sa baha ng mga Bulakenyo.
Ang naturang proyekto ayon sa gobernador ay tatawid ng Manila Bay na magmumula sa Metro Manila at dadaan sa mga municipal waters ng Bulacan, Pampanga at Bataan.
Dagdag pa nito, kasalukuyan nang isinasagawa ng mga eksperto ang feasibility studies ng Mega Dike Project upang ito ay masimulan sa lalong madaling panahon.
Umaasa si Gov. Fernando na mabilis itong matatapos upang maibsan na ang lubos na paghihirap ng mga Bulakenyo sa malawakang pagbaha. (UnliNews Online)

