Saturday, September 19, 2026
Amana Water Park
HomeNational NewsFernando, ipinaglaban ang kapakanan ng mga Bulakenyo sa flood-control meeting kay Dizon

Fernando, ipinaglaban ang kapakanan ng mga Bulakenyo sa flood-control meeting kay Dizon

LUNGSOD NG MALOLOS — Iginiit ni Gobernador Daniel R. Fernando kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vivencio Dizon ang agarang pagpapatupad ng konkretong hakbang upang maibsan ang matagal nang pagdurusa ng mga Bulakenyong apektado ng pagbaha.

Sa pulong kasama ang mga opisyal ng lalawigan at lokal na pamahalaan nu’ng Friday ng hapon sa Balagtas Hall ng Hiyas ng Bulacan Convention Center na tumagal ng halos 6 na oras, inilahad ni Dizon ang mga panandalian, panggitna at pangmatagalang hakbang ng DPWH upang tugunan ang paulit-ulit na pagbaha sa Bulacan.

Inilatag ni Kalihim Vivencio Dizon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga panandalian, katamtaman, at pangmatagalang estratehiya upang matugunan ang patuloy na pagbaha sa Bulacan sa isang katatapos lamang na forum kasama ang mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan at lokal noong Biyernes ng hapon (Sept. 18) sa Balagtas Hall ng Hiyas ng Bulacan Convention Center. (Larawan ni Manny Balbin)

Binigyang-diin ni Fernando na hindi lamang mga tahanan at kabuhayan ang naaapektuhan ng pagbaha, kundi maging ang pang-araw-araw na pamumuhay at kapanatagan ng mga pamilyang naninirahan sa mga lugar na palaging binabaha.

Ayon sa gobernador, handang makipagtulungan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa DPWH upang matiyak na mabibigyan ng sapat na atensyon, tuloy-tuloy na pagsubaybay at wastong aksyon ang mga problemang may kaugnayan sa pagbaha.

“Nakahanda pong makipagtulungan ang Lalawigan ng Bulacan sa isang matapat, propesyonal at makabuluhang pakikipag-ugnayan. Ang hangad lamang namin ay matiyak na ang inilahad naming mga suliranin patungkol sa usaping ito ay makapukaw ng atensyon, mabantayan at maisagawa ng tama,” ani Fernando.

Inilahad naman ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Head Manuel M. Lukban Jr. ang sitwasyon sa mga lugar na pinakamalubhang tinatamaan ng baha, kung saan umaabot hanggang limang talampakan ang lalim ng tubig, gayundin ang mga komunidad na nakaranas kamakailan ng pagbaha.

Kabilang sa mga agarang hakbang na inilahad ni Dizon ang dredging at paglilinis ng mga daluyan ng tubig, paglalagay ng modular barriers na maaaring patung-patungin hanggang tatlong metro upang isara ang mga puwang sa river walls, at paggamit ng mga mobile pump sa mga nasirang floodgate at pumping station.

Pinangunahan nina Kalihim Vivencio Dizon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Gobernador Daniel R. Fernando ng Bulacan ang pagpapakuha kasama ang ilang opisyal ng pamahalaang panlalawigan at lokal sa isang photo-op matapos ang forum tungkol sa malawakang pagbaha na ginanap noong Biyernes ng hapon (Sept. 18) sa Balagtas Hall ng Hiyas ng Bulacan Convention Center. (Larawan ni Manny Balbin)

Binigyang-diin din ni Dizon na kailangan ang mabilis at tamang pagkilos matapos ang maraming taon ng pagtitiis ng mga Bulakenyo sa problema sa baha.

“Ang kailangan na po ng mga kababayan natin, lalo dito sa Bulacan, talagang grabe na po ang dinaranas ng mga kababayan natin for years… kailangan na natin umaksyon. Umaksyon na nang mabilis at umaksyon na nang tama,” ani Dizon.

Hinimok din ng kalihim ang DPWH at mga lokal na pamahalaan na magtulungan sa pagtukoy ng mga prayoridad na lugar upang masulit ang limitadong kagamitan at pondo ng pamahalaan.

Para sa mga panggitnang hakbang, tinalakay ni Dizon ang paggamit ng bamboo cribbing, isang nature-based approach na maaaring ilapat sa mga lugar na madaling bahain tulad ng Hagonoy at mga karatig na komunidad sa Macabebe, Masantol at Sasmuan sa Pampanga.

Inilahad din niya ang mga panukalang dam, detention basin at water interceptor upang makatulong sa pagkontrol ng sobrang tubig. Para sa Hagonoy, sinabi ni Dizon na pagsasamahin ang mga tradisyunal na imprastraktura at nature-based solutions.

Iniulat din ng kalihim na nagpapatuloy ang mga gawain upang maisara ang mga puwang sa kahabaan ng Calizon-to-Poblacion stretch sa Calumpit, na target makumpleto sa unang quarter ng susunod na taon.

“At least, may timeline tayo. Hindi na tayo nagsasabi dito ng drawing sa PowerPoint. Ine-execute na po namin ito, we are already doing it,” ani Dizon.

Para sa pangmatagalang solusyon, iminungkahi ni Dizon na muling suriin ang 2000 flood-control proposal ng Japan International Cooperation Agency (JICA) para sa Labangan Channel, na aniya ay mahalagang bahagi ng pagtugon sa matagal nang problema sa baha sa Bulacan.

Ayon kay Dizon, nakalaan ang P65 bilyong pondo mula sa Japan para sa proyekto, habang nangako naman si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabibilisin ang proseso para sa pagpapatupad nito.

Binanggit din ng kalihim ang panukalang Manila Bay Integrated Flood Control, Coastal Defense and Expressway Project, na kasalukuyang pinag-aaralan sa tulong ng Asian Development Bank (ADB).

Sa huli, nananatiling pangunahing panawagan ni Fernando ang agarang pagtugon sa kalagayan ng mga Bulakenyong matagal nang nakararanas ng paulit-ulit na pagbaha, kasabay ng paninindigan ng lalawigan na makipagtulungan sa pambansang pamahalaan para sa maayos, tuloy-tuloy at wastong pagpapatupad ng mga flood-control program. (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News