LUNGSOD NG MALOLOS — Pormal nang sinimulan ang ikatlong season ng Bulacan University and Collegiate Athletic Association (BUCAA) noong Lunes (Sept. 21), sa Bulacan Capitol Gymnasium, tampok ang grand parade ng mga kalahok na unibersidad at kolehiyo, kompetisyon sa cheerdance, at paghahanap sa Best Muse bilang hudyat ng panibagong yugto ng kompetisyon sa collegiate sports sa lalawigan.
Nagbigay inspirasyon sa mga batang atleta sina PBA veteran Asi Taulava at iba pang miyembro ng NLEX Road Warriors sa isinagawang masayang meet-and-greet bilang bahagi ng pagbubukas ng aktibidad.

May kabuuang 26 senior basketball teams, 16 junior basketball teams, 18 volleyball teams, at apat na cheerdance teams ang lumahok sa season na ito, kung saan iginawad sa La Concepcion College at STI College Santa Maria ang Best in Uniform at Best Muse awards, para sa senior division, habang parehong parangal naman ang natanggap ng Richwell Colleges, Inc. at La Consolacion University of the Philippines sa junior division, at kinilala bilang Best in Uniform sa volleyball ang Jesus Is Lord Colleges Foundation, na may tig-P20,000 na premyo bawat parangal.
Back-to-back champion naman ang Colegio de San Gabriel Arcangel sa Cheerdance Competition ng Lungsod ng San Jose del Monte matapos makuha ang titulo sa ikalawang sunod na taon at P100,000 na premyo; habang itinanghal na First Runner-up ang Bulacan Polytechnic College na may P75,000; Second Runner-up ang Baliwag Polytechnic College na may P50,000 at Best in Uniform na may karagdagang P20,000; at Third Runner-up ang La Concepcion College na may P30,000.
Binigyang-diin ni Gobernador Daniel R. Fernando ang kahalagahan ng taunang provincial sports program bilang mahalagang paraan upang malinang ang kakayahan at mabigyan ng mas maraming pagkakataon ang mga atletang Bulakenyo.
“Kaya natin itinatag ang BUCAA ay dahil naniniwala tayo na hindi dapat umalis ng Bulacan ang isang atletang Bulakenyo para lamang magkaroon ng pagkakataong umunlad, dahil dito pa lang sa ating lalawigan ay may lugar na siya para magsanay, makipagkumpetensiya, matuto at mangarap nang mas malaki,” pahayag ni Fernando.
Bukod sa pagpapaunlad ng kakayahan sa sports, binigyang-diin naman ni Gabrielan Angels Pep Squad coach Valentin Teodoro Sapanta ang mahalagang papel ng mga ganitong kumpetisyon sa paghubog sa kabataan.
“Ito ay napakahalagang patimpalak, sapagkat dito namin nailalabas ang talento ng San Joseño at Bulakenyo, at nailalayo rin sa mga masasamang gawain ang mga kabataan, kung saan nakakapag-focus at nakakabuo kami ng pamilya,” saad ni Sapanta.
Sa pagsisimula ng mga laro, inaasahang magsisilbing mahalagang daan ang BUCAA para higit na mahasa ang talento ng mga batang Bulakenyo, mamulat ang disiplina, teamwork at kababaang lob, at mahikayat ang susunod na henerasyon na magsikap at magtagumpay sa loob at labas ng court. (UnliNews Online)

