SA isang makabuluhang pagpupulong ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, pinangunahan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang pagtitipon ng mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya upang pag-usapan ang komprehensibong paghahanda ng lalawigan sa inaasahang epekto ng El Niño.
Binigyang-diin ng Gobernador na sa panahong tulad nito, ang katotohanan at pagkakaisa ang ating pinakamalalakas na sandigan. Ipinagmalaki niya na ang media ay kabilang sa pagpupulong upang masigurong tama at tumpak ang impormasyong makararating sa bawat mamamayan, at hindi maling balita ang lalong magdudulot ng pangamba. Ang lahat ng sektor ay bahagi na ng Provincial El Niño Task Force upang walang maiiwan sa paghahanda at tulong.
Nang tanungin tungkol sa kalagayan ng kabuhayan at suplay ng tubig, malinaw na sinabi ng Gobernador na ang mga proyekto para sa pag-iimbak ng tubig ay matagal nang nakahanda at patuloy na inaayos. Ipinaalala niya na ang El Niño ay hindi lamang tagtuyot — kasabay nito ang panganib ng sunog, at ang dalawang hamong ito ay sabay na dapat harapin.
Nakipag-ugnayan na rin siya sa Bureau of Fire Protection upang maging handa ang mga trak sa paghahatid ng tubig sa mga komunidad na nawawalan ng suplay, habang nananatiling handa pa rin sa pagtugon sa sunog. Nakipag-ugnayan din siya sa Meralco upang masuri ang mga posibleng panganib mula sa kuryente na madalas sanhi ng sunog kapag matindi ang init at tuyo ang panahon.
Ayon sa PAGASA, inaasahang tumindi ang tag-init at tagtuyot sa mga susunod na buwan na maaaring makaapekto sa mga pananim, kabuhayan, at suplay ng tubig. Bilang paghahanda, hinihikayat ang bawat tahanan na mag-ipon at magtipid ng tubig habang mayroon pa.
Sa pamamagitan ng isang Kautusang Tagapagpaganap, ang mga bagong itatayong pabahay, negosyo, at pasilidad ay kinakailangan nang magkaroon ng sariling imbakan ng tubig — na makatutulong din sa pagpigil ng pagbaha kapag dumating ang ulan.
Paalala rin ng Gobernador na huwag nating abusuhin ang pagkuha ng tubig sa ilalim ng lupa, dahil labis na paggamit nito ay maaaring magdulot ng paglubog ng lupa at mas malalang pagbaha sa hinaharap.
Tsk! Tsk! Tsk! Ang mensahe ng pamahalaan ay malinaw: ang paghahanda ay hindi lamang trabaho ng mga opisina kundi responsibilidad ng bawat pamilya. Sa maagang pag-iingat, tamang impormasyon, at pagtutulungan, kayang lagpasan ng Bulakenyo ang anumang hamon na dala ng pagbabago ng panahon. (UnliNews Online)

