HINIMOK ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na paigtingin ang pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan at aktibong makibahagi sa pagpaplano ng mga proyektong pang-imprastraktura, iginiit na mahalaga ang papel ng ahensya sa pagtugon sa problema ng pagbaha at pagprotekta sa mga komunidad.
Binigyang-diin ni Cayetano nitong Lunes (Oct. 19) na dapat isaalang-alang ang epekto sa kalikasan sa bawat proyektong pang-imprastraktura upang makatulong na mabawasan ang panganib ng pagbaha at maiwasan ang mga hakbang na maaaring magpalala sa problema.
Sa budget briefing ng Senado para sa proposed 2027 budget ng DENR, sinabi ni Cayetano na hindi lang dapat nakabatay sa engineering requirements ang mga flood control project kundi dapat ding isaalang-alang ang magiging epekto ng mga ito sa mga ilog, lawa, at iba pang daluyan ng tubig.
Hinimok niya ang DENR na makipagtulungan sa DPWH sa pagpaplano ng mga istruktura kontra baha para masigurong wala itong idudulot na panganib sa kalikasan at hindi makalala sa pagbaha.
“Ang nakita nating problema sa flood control, dalawa: actual design [at] engineering intervention. Baka expertise ng DPWH y’ung engineering, but the environmental design, y’un ang role ninyo. We want the input of DENR kung ano ang pwedeng gawin,” wika ng senador.
Hinimok din ng senador ang DENR na tumulong sa pagrepaso National Building Code of the Philippines. Aniya, nakadaragdag kasi sa problema ng pagbaha ang pagtatayo ng mga istruktura sa mga lugar na hindi dapat tinatayuan.
“[People are] building in places where you’re not supposed to build, kasi maliit y’ung penalties. Baka dapat baliktarin natin y’ung process? Maybe the penalties and y’ung ngipin ng environmental loss has to be so sharp that you won’t even start,” giit niya.
Ayon pa kay Cayetano, imbes na solusyunan ang mga problema kapag may nakatayo nang istruktura, kailangang palakasin ang pagpapatupad ng mga batas na pumipigil sa pagsira ng kalikasan at mga kaukulang parusa para wala nang developer ang magtangkang lumabag rito.
Iminungkahi rin niya na baguhin ang formula sa paglalaan ng pondo sa mga lokal na pamahalaan upang mabigyan ng insentibo ang mga lungsod at munisipalidad na nangangalaga sa kalikasan.
“Dati ‘pag y’ung city nagkaroon ng commercial [or] industrial [projects], meron na siyang mataas na IRA [Internal Revenue Allotment,] meron na siyang real property tax [at] may business tax pa. Baka that formula could change and the department could propose na dapat may incentive kung green ka,” pahayag ni Cayetano.
Giit niya, dapat masigurong mapapanagot ang mga developer at organisadong grupong lumalabag sa mga batas pangkalikasan, habang tinitiyak ng pamahalaan na nabibigyan naman ng angkop na tulong ang mga mahihinang sektor, kabilang ang mga informal settler. (UnliNews Online)

