CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Dalawang suspek sa umano sangkot sa motornapping ang naaresto ng mga pulis sa follow-up operation sa San Jose del Monte City (SJDM), Bulacan, matapos ang insidente ng nakawan ng motorsiklo sa Brgy. Gumaoc Central nu’ng Lunes (Oct. 19).
Isinagawa ng mga tauhan ng San Jose del Monte City Police Station (SJDM CPS) ang operasyon sa ilalim ng JBM Patrol System at Safer Cities Initiative ni PBGEN Jess B. Mendez, regional director ng Police Regional Office 3 (PRO3).
Base sa ulat kay P/Lt. Col. Nelson M. Sardin, Chief of Police ng SJDM CPS, kinilala ang mga suspek na sina alyas Rowel at alyas Inggo. Natuklasan ng biktima na nawawala ang kanyang motorsiklong nakaparada sa labas ng kanyang tirahan.
Sa tulong ng CCTV footage at impormasyong ibinigay ng mga residente, natukoy ang mga suspek na kalauna’y naaresto sa isinagawang follow-up operation ng mga pulis sa pakikipagtulungan sa barangay.
Narekober ng mga awtoridad ang isang Mitsukoshi Jet100 motorcycle. Dinala ang mga naarestong suspek sa City of San Jose del Monte Hospital para sa medical examination matapos ipabatid sa kanila ang dahilan ng kanilang pag-aresto, ang kanilang mga karapatang konstitusyonal, at ang babala laban sa torture. Inihahanda na ang kaukulang kasong paglabag sa Republic Act No. 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016 laban sa kanila.
Pinuri ni P/Col. Jay B. Baybayan, acting Provincial Director ng Bulacan PPO, ang maagap na pagkilos ng mga operatiba at ang pakikipagtulungan ng mga residente na naging mahalaga sa pagkakatukoy sa mga suspek at pagbawi sa ninakaw na motorsiklo. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mabilis na pag-uulat ng mga insidente at patuloy na koordinasyon ng kapulisan at komunidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan. (UnliNews Online)

