CALUMPIT, Bulacan (PIA) — Puspusan na ang ginagawang konstruksiyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang maisara ang mga putul-putol o mga hindi itinayong mga dike sa mga kailugan sa Calumpit, Bulacan.
Ito ang mga proyektong inabandona ng mga dating kontratista ng ahensiya matapos maisiwalat mismo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na may mga dike na hindi tinapos o sadyang hindi ginawa ngunit nabayaran nang buo ng DPWH.
Bilang pagtitiyak na matatapos ito sa unang bahagi ng 2027, nagsagawa ng inspeksiyon si DPWH Secretary Vince Dizon sa 1.8 kilometrong bahagi ng itinatayong dike sa kahabaan ng ilog Bagbag na sakop ng Barangay Calizon.
May halagang P576 milyon ang ginugugol dito ng ahensiya na ayon sa kalihim ay ginagawa na nang tama mula sa pagdidisenyo, pagsusubasta hanggang sa implementasyon o mismong pagpapagawa.
Ipinaliwanag ng kalihim na ngayong marami nang naipakulong kaugnay ng mga nasangkot sa iba’t ibang anomalya sa nakalipas na mga proyekto ng DPWH, hindi aniya dapat kalimutan na kinakailangan lalong mas harapin ang mga naiwang proyekto.
Kaya’t alinsunod pa rin sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr., sinabi ni Dizon na nasa kasagsagan ang ahensiya sa pagtapos nang mga hindi natapos, simulan ang mga hindi masimulan, at iayos ang sistema sa pagpapatupad ng mga proyekto.
Sa gitna ng patuloy na konstruksiyon ng dike sa Barangay Calizon, nananatiling nakalubog pa rin sa maputik na baha hanggang binti ang maraming tagarito.
Kaya naman ipinag-utos ni Dizon sa DPWH Bulacan 1st District Engineering Office na magdestino na ng mga mobile pumping equipment.
Ito’y habang hinihintay ang pagpapatayo ng nasa 14 na mga pumping station sa mga istratehikong lugar sa munisipalidad.
Ayon pa sa kalihim, ang mga dikeng itinatayo sa kahabaan ng mga ilog ay pangharang sa regular na high tide na nararanasan ng mga taga-Calumpit bilang pangmatagalang pagbabaha.
Ang magiging papel naman ng mga pumping station ay hihigop ng tubig sa kabila ng dike upang maibomba palabas sa ilog sa panahon na walang high tide.
Ibig sabihin, kapwa pipigil at mag-aalis ng pagbaha ang mga dike at pumping station kapag ito’y sabayan nang gumagana na inaasahang tutuldok sa deka-dekada nang paghihirap ng mga taga-Calumpit dahil sa matagalan at malakihang pagbabaha.
Tiniyak naman ni Mayor Glorime ‘Lem’ Faustino kay Dizon na pangungunahan ng pamahalaang bayan ang pagbabantay, pagsubaybay, at pagsusuri sa mga proyekto ng DPWH bilang patotoo na nagkakaroon na ng tunay na ugnayan ang ahensiya sa mga pamahalaang lokal na dati’y hindi naisasagawa. (UnliNews Online)

