Friday, September 20, 2024
Amana Water Park
HomeProvincial NewsSuper Health Center sa Brgy. Camalig sa Meycauayan, pinasinayaan

Super Health Center sa Brgy. Camalig sa Meycauayan, pinasinayaan

LUNGSOD NG MEYCAUAYAN, Bulacan — Pinasinayaan ni Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go ang bagong tayo na Super Health Center sa Barangay Camalig na nasa silangang dulong bahagi ng Meycauayan.

Ito ang unang Super Health Center sa Bulacan na natapos at pinasinayaan sa pito na ipinatayo at pinondohan ng Department of Health o DOH sa lalawigan ng Bulacan. Nagkakahalaga ng P11.5 milyon ang proyekto kung saan nasa 420 square meters ang lapad ng istraktura ng gusali.

Ayon kay Meycauayan City Health Office Head Dr. Christian Roque, malaking bagay ang pagkakaroon ng Super Health Center upang hindi na kailangang laging sa mga ospital pa pupunta sakaling may kailanganin na pangunahing serbisyong medikal.

Makakatulong din ito upang mapaluwag o mabawasan ang mga sumasadya sa mga pampublikong ospital.

Kinonsepto ang Super Health Center bilang isang semi-hospital na kinapapalooban ng mga serbisyo gaya ng database management, out-patient, birthing, isolation, pharmacy at ambulatory surgical unit. Gayundin ang mga diagnostic services gaya ng laboratory, X-ray, ultrasound at ang pharmacy.

Iba pa rito ang mga specialty services gaya ng may kinalaman sa eye, ear, nose, and throat o EENT, oncology centers, physical therapy and rehabilitation at magiging site ng telemedicine.

Kalaunan ay magkakaroon din ang Super Health Center ng mga pasilidad para sa isang dialysis center. Bukod sa barangay Camalig, direktang makikinabang din dito ang mga pasyente na taga barangay Pajo at Bahay Pari.

Kaugnay nito, naitayo na rin ang mga istraktura ng iba pang mga Super Health Centers na pinondohan ng Pambansang Badyet noong taong 2022 na nasa San Miguel, Bulakan, Guiguinto, Balagtas, Pandi at sa San Jose Del Monte. Tinatayang nasa P11 milyon hanggang P15 milyon ang halaga ng nasabing mga pasilidad.

Habang pinodohan ng Pambansang Badyet ng 2023 ang pagpapatayo ng mga Super Health Centers sa San Ildefonso, San Rafael, Baliwag, Plaridel, Angat, Marilao, Obando at Paombong na target mabuksan sa taong 2024. (UnliNews Online)

Source: PIA Bulacan

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments