LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Umabot sa apat na katao kabilang ang dalawang senior citizen ang naiulat na namatay sanhi ng malawakang pagbaha sa nabanggit na lalawigan.
Ayon sa ulat ni ret. Colonel Manuel Lukban Jr., hepe ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na dalawa sa mga biktima ay nalunod, isa ay nadulas at isa ay dahil sa sakit na cancer.
Ayon kay Lukban ang mga namatay na sina John Mark Arcega, 20 taong gulang ng Sta. Lucia sa bayan ng Calumpit at si Frank David Domingo Santos, 14 na taong gulang, ng Barangay Maligaya sa bayan ng San Miguel ay pawang mga nalunod sa baha.
Habang ang 69 na taong gulang na si Virgilio Santos ng Florante Street sa Barangay Panginay sa Bayan ng Balagtas ay namatay sanhi ng pagkakadulas at si Policarpio Gatchalian, 70 anyos, na namatay sanhi ng colon cancer dahil hindi umano nalapatan ng ng kaukulang medical attention dahil sa sobrang taas na baha.
Samantala, ang partial at unofficial agricultural at fishery damage sa Lalawigan ng Bulacan ay umakyat na sa P79,502,644.68.
May kabuuang bilang na 2,707 magsasaka ng palay na sumasaka sa 3,656.48 hektarya ng palayan ang nasiraan ng kanilang mga pananim na nagkakahalaga ng P24,625,603.32.
May kabuuang 505 na magsasaka ng gulay ang nakaranas ng kabuuang pagkalugi ng P39,055,593 at apat na nagtatanim ng mais ang nakaranas ng pagkalugi ng P48,366.
May 230 na mamalaisdaan ang nakaranas ng pagkalugi sa halagang P14,975,982.36 nang lumubog sa tubig ang may 417.91 hektarya ng palaisdaan. (UnliNews Online)