LUNGSOD NG MEYCAUAYAN, Bulacan — Isusunod nang ilatag ang mismong riles ng tren at ang linya ng kuryente nito sa bagong tayo na viaduct ng proyektong North-South Commuter Railway o NSCR Phase 1 at sa itinatayong Phase 2.
Ayon kay Ana Dominique Consulta, pinuno ng communication and community relations officer ng Department of Transportation o DOTr, kasabay din nito ang pagsisimula na maikabit ang mga signaling, telecommunications, overhead contact line, automatic fare collection system, depot workshop facility, training facility, platform screen doors at ang computerirized maintenance management system.
Salubungang riles ito na daanan ng nasa inisyal na 13 train sets ng NSCR Phase 1 at 38 train sets ng NSCR Phase 2. Bawat isang train set ay may tig-walong bagon ng tren na magkakadugtong na kayang maglulan ng 300 libo hanggang 500 libong mga pasahero araw-araw.
Iba pa rito ang pitong train sets para sa express train ng NSCR System mula Clark International Airport Terminal 2 sa Pampanga hanggang Calamba, Laguna at pabalik.
Ang Phase 1 ng proyekto ay 37.75 kilometro mula sa Tutuban sa Maynila hanggang sa lungsod ng Malolos sa Bulacan na nasa 55.70% ang updated progress rate.
Iniulat ni Engr. Joseph Ishmael Ferrer, project manager ng NSCR Phase 1 na aabot na sa P183.26 bilyon ang nagugugol sa proyekto kung saan P88.9 bilyon ang mula sa Official Development Assistance o ODA ng Japan International Cooperation Agency o JICA.
May karagdagan namang P46.88 bilyon ang ipinahiram pa ng JICA bilang bahagi ng resulta ng official visit ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. sa Japan nitong Pebrero 2023.
Base sa bagong itinakdang target ng DOTr, planong magkaroon ng partial operation ang NSCR Phase 1 sa huling bahagi ng taong 2026 at maging full-operational sa taong 2029.
Malapit nang magdikit ang mga itinatayong viaduct ng NSCR Phase 1 mula Malolos at Guiguinto, Balagtas at Bocaue at ang bahagi ng Bocaue at Marilao. Sisimulan na rin ang konstruksiyon ng karugtong nito mula sa Valenzuela hanggang Tutuban.
Gayundin ang bahagi mula sa Solis papuntang Blumentritt upang maikabit ang NSCR Phase 1 sa NSCR-South Line o ang patungo sa Calamba, Laguna.
Ang 52.65 kilometro naman na Phase 2 na nagsisimula sa Malolos hanggang sa Clark International Airport Terminal 2 sa Pampanga ay umangat na sa 40.26% ang progress rate ayon kay Engr. Ahn Meg Adonis, project manager ng NSCR Phase 2.
Pinagtutulungan itong pondohan ng Asian Development Bank o ADB sa halagang P286 bilyon para sa viaduct o lalatagan ng riles na dadaanan ng mga tren. May P201 bilyon naman mula sa JICA para sa pag-assemble ng mga bagon ng tren.
Habang nasa kasagagan ang konstruksiyon ng Calumpit station ng NSCR Phase 2, sunud-sunod nang naikakalso ang mga viaduct sa barangay Longos sa Malolos at sa Apalit. Naitayo na rin ang mga poste sa mga bayan ng San Simon, Minalin, Sto. Tomas at sa lungsod ng San Fernando.
Ang paghuhukay para sa konstruksiyon ng Angeles station ay nagsimula na. Inihahanda na rin ang pagtawid ng mga fabricated concrete girders sa mga ibabaw ng Manila North Road o Mac Arthur Highway at ng Subic-Clark-Tarlac Expressway o SCTEX.
Sa updated target ng DOTr, planong maging full operational ang NSCR Phase 2 sa taong 2026.
Isang pangunahing prayoridad ang NSCR System sa mga proyektong pang-imprastraktura na ipinagpapatuloy at tinatapos ng administrasyong Marcos sa ilalim ng Build-Better-More Program.
Samantala, iniulat din ng DOT rang pagkakaroon ng feasibility study upang pahabain pa ang NSCR hanggang sa rehiyon ng Ilocos at ang pagbuhay sa dating linya ng Philippine National Railways o PNR mula sa Balagtas, Bulacan hanggang sa rehiyon ng Lambak ng Cagayan. (UnliNews Online)