Thursday, September 19, 2024
Amana Water Park
HomeProvincial News100% onboarding sa Paleng-QR naitala sa palengke ng Pulilan

100% onboarding sa Paleng-QR naitala sa palengke ng Pulilan

PULILAN, Bulacan — Nai-onboard ang 100 porsyento ng mga nagtitindang may pwesto sa pamilihang bayan ng Pulilan sa Bulacan sa Paleng-QR Ph Plus program.

Iyan ang idineklara ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) North Luzon Regional Director Noel Neil Malimban sa pormal na paglulunsad ng programa sa naturang palengke.

Dito iprinisinta ang naikabit na mga QR Code sa lahat ng 217 na pwesto ng mga nagtitinda rito.

Dinisenyo ang QR Code na isang two-dimensional image-based bar code upang makatanggap at makasagap ng mga personal at financial information.

Kaya nitong makapagpadala o makatanggap ng anumang halaga na hindi na kailangang humawak ng perang papel o barya.

Malaking ambag aniya ito sa isinusulong ng BSP na maiangat sa mahigit 50 porsyento ang digitalization sa pakikipagtransaksiyon sang-ayon sa digital transformation agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Nakapaloob dito ang target na maparami ang bilang ng mga Pilipinong makakapagbukas ng bank account na ngayo’y nasa 65 porsyento na ng populasyon o ang tinatawag na financial inclusion ayon sa BSP.

Para makagamit o makapagtransaksiyon sa QR Code sa Paleng-QR Ph Plus, kailangang gawing aktibo ang isang bank account o ang mga e-payments platforms sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sapat na deposito o load.

Bukod dito, sinabi pa ni Malimban na hindi na magkakaroon ng problema sa mga kulang sa pagsusukli dahil eksaktong halaga lamang ng binibili ang kakaltasin sa bank account o e-payments platforms ng Paleng-QR Ph Plus.

Para naman kay Department of Trade and Industry OIC-Assistant Regional Director at concurrent Bulacan Provincial Director Edna Dizon, direktang makakatulong ang Paleng-QR Ph Plus sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) na nagtitinda sa palengke ng Pulilan.

Karaniwan aniyang nagiging limitado ang kita ng mga MSMEs dahil umaasa sa arawang bumibili ng patingi-tingi.

Pero ngayong naka-onboard na sila sa Paleng-QR Ph Plus, maaari na silang makapagtinda sa pamamagitan ng iba’t ibang online marketing platforms.

Ipinagmalaki naman ni Alda Samson, pangulo ng vendor’s association ng palengke ng Pulilan, ang pagiging maagap ng mga may pwestong nagtitinda rito sa pagtanggap at paggamit sa Paleng-QR Ph Plus.

Ito aniya ang nagbunsod upang matamo agad ang 100 porsyentong utilization bago ang pormal na programang ito sa Pulilan.

Kaakibat nito, lalong lumakas ang pagbubuklud-buklod ng mga taga palengke dahil patuloy silang nagkakatulungan upang mas matutunan at mapadali pa ang paggamit nito. (UnliNews Online)

Source; PIA Bulacan

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments