Thursday, September 19, 2024
Amana Water Park
HomeOpinionKalakarang pekeng birth certificate, nabuking

Kalakarang pekeng birth certificate, nabuking

SA paglalantad ng National Bureau of Investigation (NBI) na naglipana ang libong pekeng birth certificate na na-isyu sa mga Chinese nationals at umabot sa mahigit sa 1000 bilang na nagmula noong 2016 ay isang pahiwatig na may malawakang sabwatan ng kawani sa civil registry office ng piling lugar sa ating bansa.

Ang isang lugar na nakitaang nagproseso sa mga pekeng dokumentong ito ay ang civil registry sa bayan ng Sta. Cruz sa Davao del Sur. May posibilidad na may malawakang sabwatang nangyayari sa mga nag-isyu ng dokumentong ito.

NABUKING ang 200 pekeng birth certificate ang inisyu ng Civil Registry ng Sta. Cruz, Davao del Sur sa mga Chinese nationals mula 2016 hanggang 2019. Kasalukuyang nasa proseso ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang lalawigan dahil sa kwestyunableng mga dokumentong nabanggit. (File photo)

Nabuko ang ganitong sistema dahil sa pagkakahuli ng NBI sa isang lalaking Chinese dahil sa mga pekeng dokumentong kanyang isinumite sa Department of Foreign Affairs sa Davao habang ito ay nag-aaply ng Philippine passport. Mabuti na lamang at binusisi ng DFA-Davao ang requirements ng aplikante.

Ang pasaporte ay isang sagradong dokumento ng isang mamamayan ng bansa. At dito sa atin ay napaka-higpit ang requirements para magkaroon nito. Isa sa dahilan sa pag-iingat ng ahensya sa pag-beberipika ng mga dokumento ay dahil sa mga kontrobersyang ‘Mayor Alice Guo’ fiasco.

Malamang na ‘money changes hand’ o ‘money talks’ sa ganitong kalakaran. Sa kaunting halaga ay maiproproseso ka ng mga dokumentong kailangan mo gaya ng birth certificate. Ang sertipikong ito hindi lamang itinuturing na isang ordinaryong sertipiko. Sagrado ito at simbolo ng pagkakakilanlan ng isang mamamayan ng bansa. Isa itong birthright na nagbibigay halaga sa isang indibidwal bilang mamamayan ng bansa.

Ibinulgar ni Sen. Sherwin Gatchalian na may Kalakaran sa ‘black market o fixer market’ na sa halagang Php300,000 kapalit ng isang birth certificate, driver’s license at pasaporte.

Ganito kagarapal ang mga sindikato ng pekeng dokumento. Napag-sasamantalahan ang mga foreign nationals sa mga ganitong maling kalakaran at dapat tigilan na ang ganitong sistema at sampahan ng kaso ang mga mapapatunayang pasimuno at gumagawa ng ganito.

Dapat maging masigasig ang ating mambabatas sa naka-antabay na patawag ng lehislatura para imbestigahan ang ganitong kalakaran at makatulong para pag-tibayin ang ating batas sa matinding pagbusisi sa mga dokumento at magamit sa legal na pamamaraan.

Tigilan na ang pang-aabuso ng ibang kawani ng ating ahensya para lamang sa kanilang pansariling kapakanan at maiwasang makapahamak ng kapwa. Ang ganitong maling gawain sa pag-peke ng dokumento ay banta sa national security ng bansa na puedeng gamitin sa mga kriminal na intension gaya ng identity theft, espionage, smuggling at human trafficking. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments