LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Prayoridad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos na ipatayo ang mas maraming water impounding facilities sa mga lalawigan sa Gitnang Luzon bilang pangmatagalang solusyon sa pagbabaha.
Iyan ang binigyang diin ng pangulo sa ginanap na situational briefing sa Kapitolyo ng Bulacan sa lungsod ng Malolos kamakailan, kaugnay ng mga pinsalang idinulot ng bagyong Carina. Ito aniya ang pinakamainam at epektibong solusyon sa pagbabaha sa rehiyon.
Ipinaliwanag pa ni Pangulong Marcos na bagama’t may ginagawang mga dredging o paghuhukay sa mga anyong tubig at mga pumping stations upang higupin ang tubig palabas sa Manila Bay, makakatulong ang mga water impounding facilities sa sabay-sabay na sitwasyon gaya ng pagbuhos ng malakas na ulan, pagpapakawala ng mga dams at ang high tide.
Matatandaan na natukoy ng Department of Public Works and Highway (DPWH) noong 2023 nang tumama ang mga magkasunod na bagyong Egay at Falcon, na kabilang sa mga plano ang pagtatayo ng isang water impounding facility sa isang bahagi ng Candaba Swamp sa Pampanga.
Layunin nito na maipon ang sobrang tubig na pakakawalan mula sa mga dams ng Bustos, Ipo at Angat. Bukod dito, magiging katiyakan ang magiging water impounding facility sa patubig para sa mga sakahan ng Palay sa panahon ng tag-araw.
Ibinalita naman ni Bulacan Governor Daniel R. Fernando na sinimulan na ng National Irrigation Administration o NIA ang konstruksiyon ng Bayabas Dam sa bayan ng Donya Remedios Trinidad. Ang 2.4 bilyong Bayabas Small Reservoir Irrigation Project ay mag-iipon ng mga sobrang tubig sa bahaging ito ng kabundukan ng Sierra Madre.
Sa panahon ng tag-araw, isasalin ito sa Angat-Bustos Dam system upang mapatubigan ang 150 ektaryang mga lupang sakahan ng Palay sa Bulacan.
Ang mga kagaya nitong pasilidad ay magsasalba sa mga sakahan na hindi malunuran o masiraan ng tanim na Palay, gayudin na huwag matapon ang mga palaisdaan sa tuwing panahon ng tag-ulan at may malakas na bagyo.
Ibig sabihin, mapoproteksiyunan ang kabuhayan ng mga magsasaka, mangingisda at ang seguridad sa pagkain ng karaniwang mga mamamayan.
Maiiwasan ang mga kagaya ng P103.7 milyong pinsala sa agrikultura o pagsasaka sa Bulacan at P95 milyon sa Bataan. Malaki rin ang pinsala sa aspeto ng imprastraktura dahil sa malawakang pagbaha. Sa Bulacan, may inisyal na P789 milyon ang nasirang mga kalsada, tulay at ilang pampublikong pasilidad.
Kaugnay nito, habang hinihintay ang pagsasakatuparan ang pagtatayo ng mga water impounding facilities at rehabilitasyon sa iba pang mga napinsala, tiniyak naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, na tuluy-tuloy ang paghahatid ng mga family food packs sa tatlong lalawigan.
Aabot sa 90,086 na mga family food packs ang naipadala na ng DSWD sa Bulacan habang may paparating pang 109,781. Sa Pampanga, nakapagpadala na ng mahigit 107 libo at may karagdagan pang 42 libo. Habang nabigyan na ng 62,119 ang Bataan at 96,000 pa ang ipapadala ng DSWD.
Ibinalita naman ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma na maglalaan ang ahensiya ng P176 milyon para sa programang Tulong Pangkabuhayan sa Ating Disadvantaged/displaced workers o TUPAD kung saan P46 milyon ang para sa Bulacan.
Gagamitin ang programang ito upang maparami ang mga naglilinis sa mga lansangan at muling magsasaayos ngayong humuhupa na ang mga baha.
Sa aspeto ng kalusugan, sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa, may isang batang limang taong gulang ang namatay dahil sa diarrhea sa lungsod ng Baliwag sa Bulacan. Kaya’t magkakaroon aniya ng pagsusuri sa kalidad ng mga inuming tubig o potable water sa rehiyon ngayong nagkaroon ng malawakang pagbabaha. Gayundin ang pagsusulong na mabakunahan ang mga bata.
Samantala, bukod sa layuning matuloy ang pagkakaroon ng mga water impounding facilities, nagkakaisang isinusulong nina Governor Fernando, Pampanga Governor Dennis Pineda at Bataan Governor Joet Garcia, na maisakatuparan na ang isang megadike coastal defense na magkukulong sa dalampasigan mula sa Obando, Bulacan hanggang sa Mariveles, Bataan.
Bukod sa mapipigilan nito ang pagbabaha dahil sa high tide, uubra rin itong maging alternatibong ruta kung saan magkakaroon ng isang expressway sa ibabaw ng planong megadike. (UnliNews Online)
Source: PIA Bulacan