LUNGSOD NG MALOLOS– Ipinagdiwang noong Friday (April 14, 2023) ng Bulacan Press Club, Inc. ang ika-70 Taong Anibersaryo ng pagkakatatag ng pinakamatanda at lehitimong samahan ng mga mamamahayag sa lalawigan ng Bulacan.
Ang nasabing pagdiriwang ay naisagawa sa pangunguna ng kasalukuyang Pangulo Omar Padilla at Pangalawang Pangulo Manny D. Balbin, katuwang ang mga opisyales at miyembro ng samahan.
Ang okasyon ay dinaluhan ng mga lokal na opisyal ng Bulacan sa pangunguna nina Kinatawan Salvador Pleyto ng Ikaanim na Distrito, Bise Gobernador Alexis Castro at dating gobernador na naging Department of Tourism Secretary Roberto Pagdanganan.
Nagkakaisa ang kanilang mensahe sa mga lehitimong kasapi nito na patuloy na maging instrumento ng mapayapang komunikasyon, matapat na pamamahayag, pagbabandila ng katotohanan at pagsasabuhay ng katagang “Hindi Nabubusalan ang Katotohanan” ni Gat. Marcelo H. Del Pilar.
Sa mensaheng ipinadala naman ni Gobernador Daniel R. Fernando, kailangan aniyang panatilihing malaya ang Bulacan laban sa mga fake news at mga kasinungalingan upang hindi madungisan ang paghuhubog sa lipunan at mamamayan.
Bago pa isagawa ang “Gabi ng Parangal,” naghatid muna ng saya ang BPCI sa mga bata ng Bethany Orphanage sa bayan ng Guiguinto at sa mga matatanda ng Tahanang Mapagpala sa City of Malolos sa pamamagitan ng feeding program.
Samantala, sa Gabi ng Parangal, ginawaran ng natatanging pagkilala o parangal ang mga taong tumulong at sumuporta para patuloy na mapanatili ang malayang pamamahayag sa pangunguna ni Gov. Daniel Fernando, Vice Gov. Alex Castro, mga senador na sina Bong Go, Joel Villanueva at Alan Peter Cayetano, Cong. Salvador Pleyto ng Bulacan 6th District, Cong. Mikee Romero ng 1-Pacman Party List, Cong. Eddie Villanueva ng CIBAC Party List at sina Mayor Rico Roque ng Pandi at Mayor Christian D. Natividad ng City of Malolos.
Kasama rin sa kinilala sina Ramos S. Ang ng San Miguel Corporation (SMC), Col. Relly Arnedo, ng Bul PPO, Ret. Col. Marcos Rivero, Bulacan Provincial Jail Warden, Atty, Julius Victor Degala ng BENRO, DPWH 1st Engineering Office District Engineer Henry Alcantara at ang mamamahayag na si Allan Encarnacion.
Pinarangalan din ang mga namayapang sina dating Congressman Teodulo Natividad,dating Bulacan Gov. Nacing S. Santiago, dating Senate President Blas Ople at former Board Member Francisco Buencamino at ang mga kompanyang SM Supermalls at Prime Water. (UnliNews Online)