CAMP OLIVAS, Pampanga — Matagumpay na naresolba ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang kabuuang 146 kaso ng katiwalian sa hanay ng pulisya mula Abril 1, 2024 hanggang Abril 28, 2025, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa mga tiwaling miyembro ng organisasyon.
Batay sa datos, ang mga kasong naresolba ay pawang mga administratibong reklamo, kabilang ang grave misconduct, serious neglect of duty, at conduct unbecoming of a police officer.
Ayon kay PRO3 Regional Director PBGEN Jean S. Fajardo, “Hindi natin palalagpasin ang sinumang miyembro ng ating organisasyon na lumalabag sa batas at sumisira sa tiwala ng publiko. Ang 146 kasong ito ay patunay ng ating matibay na paninindigan na panatilihing malinis at marangal ang hanay ng kapulisan sa Gitnang Luzon.”
Dagdag pa ni Fajardo, patuloy na isinusulong ng PRO3 ang internal cleansing program alinsunod sa direktiba ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco D. Marbil.
“Ang disiplina at integridad ay pundasyon ng isang maayos at kagalang-galang na pulisya. Sinisiguro natin na ang sinumang lumalabag sa ating mga alituntunin ay mananagot sa batas,” ani Fajardo.
Kasabay nito, nananawagan ang PRO3 sa publiko na patuloy na makipagtulungan sa mga awtoridad at agad na magsumbong ng anumang iregularidad o katiwalian sa kanilang mga komunidad.
Tiniyak ng PRO3 ang tuloy-tuloy na masusing imbestigasyon at agarang aksyon sa lahat ng reklamong isusumite upang mapanatili ang mataas na antas ng tiwala ng mamamayan sa pulisya ng Gitnang Luzon. (UnliNews Online)