CAMP OLIVAS, Pampanga — Personal na pinangunahan ni Police Regional Office 3 (PRO3) Director, Brig. Gen. Jean S. Fajardo, ang inspeksyon sa mga itinayong checkpoints, border control points, community police assistance centers (COMPACs), at polling precincts sa iba’t ibang bahagi ng Gitnang Luzon upang tiyakin ang kahandaan ng mga pulis para sa ligtas, mapayapa, at maayos na halalan.
Tiniyak ni Fajardo na nasa tamang lugar ang deployment ng mga tauhan, may sapat na kagamitan, at handang tumugon sa anumang insidente. Kabilang ito sa mga hakbang ng PRO3 upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa panahon ng halalan.

Kasabay nito, aktibong nagsasagawa rin ng pag-iikot ang mga Red Teams ng PRO3 sa pangunguna ng iba pang miyembro ng Command Group, upang mapalakas ang presensya ng kapulisan lalo na sa mga lugar na kabilang sa election areas of concern. Layunin ng mga inspeksyong ito na agad matukoy at matugunan ang anumang kakulangan bago ang aktuwal na araw ng botohan.

Ayon kay Fajardo, “Hindi tayo magkukulang sa pagbibigay ng seguridad sa ating mga kababayan. Sisiguraduhin ng PRO3 na ang eleksyon dito sa Gitnang Luzon ay magiging maayos, tahimik, at ligtas mula sa anumang banta.”
Patuloy rin ang mahigpit na koordinasyon ng PRO3 sa Commission on Elections (COMELEC), Armed Forces of the Philippines (AFP), at iba pang ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang maayos at malinis na halalan sa rehiyon. (UnliNews Online)