CAMP OLIVAS, Pampanga — Umabot sa 33 katao ang naaresto dahil sa paglabag sa umiiral na liquor ban na sinimulan noong Linggo (Mayo 11), sa mga lalawigan ng Nueva Ecija, Pampanga, at Tarlac.
Ang mga nahuling indibidwal ay nahaharap na sa mga kaukulang kaso alinsunod sa COMELEC Omnibus Election Code Resolution No. 11057, na agad na inihain sa korte.
Ayon kay Police Regional Office 3 Director Brig. Gen. Jean S. Fajardo, “Ang mahigpit na pagpapatupad ng liquor ban ay bahagi ng ating seguridad para sa mapayapang halalan. Hindi natin papayagang maapektuhan ng pag-inom ng alak ang kaayusan at katahimikan ng ating mga pamayanan sa panahong ito.”
Ipinaliwanag din ni Fajardo na ang 48-oras na liquor ban ay nagsimula ng hatinggabi ng Mayo 11 at magtatapos sa ganap na 11:59 ng gabi ng Mayo 12. Saklaw nito ang pagbabawal sa pagbebenta, pagbili, at pag-inom ng alak.
Patuloy na nananawagan ang PRO3 sa publiko na makiisa at sundin ang mga ipinatutupad na regulasyon upang matiyak ang maayos at ligtas na halalan. (UnliNews Online)