Monday, August 4, 2025
Amana Water Park
HomeRegional NewsCentral Luzon UnliNewsKAMPANYA KONTRA TERORISMO SA CENTRAL LUZON, PINAIGTING

KAMPANYA KONTRA TERORISMO SA CENTRAL LUZON, PINAIGTING

Mga dating rebelde sumuko, armas at dokumento narekober

CAMP OLIVAS, Pampanga — Bilang bahagi ng pinaigting na kampanya kontra terorismo ng Police Regional Office 3 (PRO3) sa ilalim ng layunin ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), dalawang dating miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) ang boluntaryong sumuko sa lalawigan ng Nueva Ecija, habang isang operasyon naman sa Zambales ang nagresulta sa pagkakarekober ng mga pampasabog, bala, at subersibong dokumento.

Dalawang dating kasapi ng grupong Timpuyog Katutubo, na sumusuporta sa Alyansa ng Magbubukid ng Gitnang Luzon–Nueva Ecija (AMGL-NE), ang boluntaryong sumuko sa mga tauhan ng 1st Provincial Mobile Force Company ng Nueva Ecija Police Provincial Office kamakailan. Ang kanilang pagsuko ay bunga ng tuluy-tuloy na negosasyon at ugnayan sa komunidad sa ilalim ng whole-of-nation approach ng pamahalaan.

Samantala, noong madaling araw noong Martes (June 10), isang operasyon ang matagumpay na isinagawa ng Zambales Provincial Intelligence Unit sa Mt. Piera, Sitio Dingin, Barangay Old Poonbato, Botolan, Zambales. Batay sa impormasyon mula sa isang dating miyembro ng CPP-NPA-NDF, narekober sa lugar ang 1 improvised explosive device (IED), 4 na rifle grenades, 3 hand grenades, iba’t ibang uri ng bala, at ilang subersibong dokumento at kagamitan.

Ayon kay Police Brigadier General Jean S. Fajardo, Regional Director ng PRO3, ang mga sunod-sunod na pagsuko at matagumpay na operasyon ay patunay ng epektibong pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan laban sa insurhensya.

“Ang kanilang pagbabalik-loob sa pamahalaan ay nagpapakita ng tumitibay na tiwala ng mga dating rebelde sa ating mga programa para sa repormasyon. Patuloy nating binibigyan ng pagkakataon ang mga dating kasapi ng CTG na makapagsimula ng panibagong buhay at maging produktibong mamamayan,” pahayag ni Fajardo.

Dagdag pa niya, ang PRO3 ay mananatiling tapat sa tungkulin nitong panatilihin ang kapayapaan, kaayusan, at seguridad sa buong Gitnang Luzon, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at ang mamamayan. (Unlinews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News