CAMP OLIVAS, Pampanga — Matagumpay na nagbalik-loob sa pamahalaan ang tatlong (3) dating kasapi ng Communist Terrorist Group (CTG) mula sa mga lalawigan ng Aurora, Bataan, at Bulacan noong Lunes (June 16).
Sa lalawigan ng Aurora, boluntaryong sumuko si alyas “Ka Rendell”, 46 taong gulang, may asawa, at residente ng Baler, Aurora, sa pinagsanib na pwersa ng Aurora 1st Provincial Mobile Force Company (1st PMFC), Provincial Intelligence Unit (PIU), Aurora Provincial Intelligence Team (PIT), Regional Intelligence Unit 3 (RIU3), Casiguran Maritime Law Enforcement Team, at Baler Municipal Police Station. Si “Ka Rendell” ay dating kasapi ng Squad Primera ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na kilala sa mga operasyon sa Pantabangan, Nueva Ecija; Castaneda; at Nueva Vizcaya.
Samantala, sa Bataan, isang 60-anyos na dating miyembro ng Komiteng Tagapagpaganap – Sangay ng Partido sa Platun (KT-SPP) sa ilalim ng Lino Blas Command ng BHB ang boluntaryong sumuko sa mga tauhan ng Bataan 1st PMFC, Bagac Municipal Police Station, at Bataan 2nd PMFC sa Brgy. Atilano-Ricardo, Bagac, Bataan. Bukod sa kanyang pagbabalik-loob, isinuko rin niya ang isang (1) kalibreng .357 revolver, isang (1) rifle grenade, at mga pampasabog tulad ng time fuse at detonating cord.

Sa lalawigan ng Bulacan, sumuko naman si alyas “Ka Rey”, 57 taong gulang, may asawa, isang maybahay, at residente ng Hagonoy, Bulacan. Ang kanyang pagsuko ay naisakatuparan sa pamamagitan ng 1st PMFC, Hagonoy Municipal Police Station, Bulacan PIU, 70th Infantry Battalion ng Philippine Army, at 301st Maneuver Company ng RMFB3. Si “Ka Rey” ay dating kasapi ng grupong BANGKILAS, na kilala sa mga aktibidad sa mga baybaying bahagi ng Bulacan at Bataan. Isinuko rin niya ang isang (1) hindi lisensyadong snub-nose caliber .38 revolver na walang serial number at walang kasamang bala.
Ayon kay P/Brig. Gen. Jean S. Fajardo, Regional Director ng Police Regional Office 3, “Ang mga serye ng pagsuko ay malinaw na patunay ng tagumpay ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa insurhensiya. Patuloy nating hinihikayat ang mamamayan na makiisa sa mga programa ng kapulisan upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa buong rehiyon.”
Dagdag pa ni Fajardo, “Ang ganitong uri ng kooperasyon ay patunay ng matibay na ugnayan sa pagitan ng pulisya at mamamayan—tungo sa pagkamit ng isang ligtas, tahimik, at masaganang Gitnang Luzon.” (UnliNews Online)